Upang masiguro ang kaligtasan ng mga Barangay Tanod sa Barangay San Carlos, Mariveles, Bataan, sa tuwing sila ay gumaganap ng kanilang tungkulin, sisimulan na nilang gamitin ang bagong biniling body cameras para sa kanilang operasyon.
Ayon kay Punong Barangay at Municipal Councilor-elect Ivan Ricafrente, ito ay upang masiguro din ng Pamahalaang Barangay ng San Carlos na hindi nagpapabaya at hindi abuso sa tungkulin ang kanilang mga kawani.
At kung sakaling may reklamo sa kanila, madali itong mapatunayan o mapasinungalingan sa pamamagitan ng hindi nagsisinungaling na ebidensya: ang mga actual videos na nakunan ng kani-kanilang body cameras.
Dagdag pa ni Ricafrente, prayoridad din ng Pamahalaang Barangay ng San Carlos na pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga kawani na araw-araw itinataya ang kanilang buhay at kaligtasan para mapangalagaan ang kabutihan at kaligtasan ng lahat.