10 IP schools sa Zambales, handa na sa pilot face to face classes

Sampung paaralan mula sa mga Indigenous Peoples or IP Community sa tatlong munisipalidad ng Zambales ang handa na sa pagsisimula ng face to face classes sa November 15.

Kabilang sa magbubukas ng klase ay ang Banawen Elementary School sa San Felipe; Belbel Elementary School, Burgos Elementary School, Maguisguis Elementary School, Moraza Elementary School, Owaog-Nebloc Elementary School, Nacolcol Integrated School at Palis Integrated School sa Botolan; Baliwet Elementary School at San Marcelino National High School sa San Marcelino.

Inaasahang mahigit limandaang (500) mag-aaral at pitumpu’t limang (75) guro mula kindergarten hanggang Grade 3 at Senior High School Tech-Voch Strand ang muling babalik sa silid-aralan. Alinsunod sa Joint Memorandum Circular No. 1 ng Department of Health at Department of Education, ang face-to-face na klase ng mga mag-aaral ay magsisimula ng 7:30 at matatapos hanggang 11:30 ng umaga samantalang patuloy naman ang printed modular modality sa hapon. 

Tiniyak naman ng pamunuan ng SDO Zambales, mga punong-guro at iba pang stakeholders ang pagiging handa bago ang itinakdang araw ng pagsisimula ng klase. Kabilang na rito ang pagsasaayos ng mga silid aralan, pagkakabit ng mga panuto upang masunod ang health protocols, paglalagay ng mga alcohol, hand sanitizers at pagpapanatili ng WASH facilities at pagsasaayos ng mga learning materials na gagamitin.

Buo naman ang suporta ng National Commission on Indigenous People (NCIP) sa pamumuno ni Director Randy Barmoles, Department of Health (DOH) sa pamumuno ni Dr. Jessie Fantone, pamahaIang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Hermogenes Ebdane Jr, mga alkalde at iba pang mga community leaders sa naging desisyon ng Division of Zambales sa pamumuno ni Dr. Romeo A. Alip na tanggapin ang hamon sa limitadong pagbubukas ng klase.

Inaasahan na rin ng mga nasabing paaralan ang pagbisita ng ilang mga opisyal ng departamento mula sa Central Office at sa Regional Office upang siguraduhin ang kahandaan ng mga ito.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews