Kinansela ang klase at pinauwi ang mga mag-aaral ng Bulihan High School sa Plaridel, Bulacan mula pa nitong Lunes makaraang hindi na makayanan ng mga guro at estudyante ang matinding baho na umaalingasaw mula sa kalapit na lote na umanoy pinaglibingan ng may 1,000 baboy na kahinahinala ang pagkamatay.
Bukod sa mga guro at estudyante ay maging ang mga residente rito ay inirereklamo din ang nakakasulasok na amoy na nagmumula sa pinaglibingan ng mga baboy na hinihinalang may sakit na African Swine Fever.
Kayat nagtatakip ng ilong ang mga estudyante at mga guro dahil hindi matagalan ang masamang amoy hanggang sa kinansela na ang klase at pinauwi ang mga mag-aaral.
Ayon sa guro ng Bulihan Highschool na si Lane Despabiladeras, agad nilang pinauwi ang mga bata dakong alas-9:00 Lunes ng umaga at hanggang kahapon ay umaalingasaw pa rin ang amoy patay na daga.
Nabatid na dahil nahihirapan na sila sa paghinga kayat humingi sila ng tulong sa Rural Health Unit at ng Pamahalaang Barangay kung saan lalagyan na lang umano ng apog at sesementuhin upang hindi na umamoy.
Nanawagan ang mga residente rito kay Plaridel Mayor Tessie Vistan na imbestigahan kung sino ang responsable sa naturang pagbaon ng mga nangamatay na baboy at agarang pakilusin ang Health Office dahil nangangamba sila sa maaring idulot nito na masama para sa kanilang kalusugan.
Samantala, ilang miyembro ng mamamahayag na nakabase sa Bulacan ang tumungo sa nasabing lugar upang kapanayamin ang barangay officials ng Pamahalaang Barangay ng Bulihan upang kumuha ng report at detalye at dito umano ay inabutan nila ang isang Dr. Carillo na mula umano sa municipal veterinary office subalit bigo ang mga ito na makapanayam makaraang agad na umalis nang makita ang mga reporter.
Ayon kay Erwin Bunag, cameraman ng GMA stringer na si Rommel Ramos, kasama niya ang tatlo pang mamamahayag nang sila ay hindi pinaunlakan ng interview sa halip ay isa umanong Arnel Gonzales na sinasabing barangay kagawad ang galit na pinapaalis umano ang mga media na nais magkober.
Pinagbantaan pa umano ng kagawad ang mga media at tinakot at sinabihang ibabaon din umano ang mga ito, ayon kay Bunag.
Ipina-blotter na umano sa police station ng apat na media members ang sinapit sa kamay ng kagawad.