LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) — May 10,375 manggagawa sa Gitnang Luzon ang binigyan ng emergency employment ng Department of Labor and Employment o DOLE.
Ayon kay DOLE Regional Director Ma. Zenaida Angara-Campita, layunin ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Displaced/Disadvantaged Workers o TUPAD na bigyan ng alternatibong mapagkakakitaan yung mga displaced, seasonal, underemployed workers at ipa bang marginalized individuals.
Partikular namang hangad ng TUPAD Barangay Ko, Bahay Ko Disinfection Project o #BKBK na ayudahan ang mga mangagawang nasa impormal na sektor na nawalan o naapektuhan ang kabuhayan sanhi ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine o ECQ.
Binuo ang naturang proyekto upang magkaroon ng pagkakataon na ma-disinfect ang kani-kanilang mga bahay at barangay habang pinapasahod ng pamahalaan.
Inilahad ni Campita na sa kabuuang 10,375 indibidwal, 5,697 ang nakumpleto ang kanilang trabaho bago mag-ECQ habang 4,678 ang nakakumpleto ng trabaho sa ilalim ng TUPAD #BKBK. Lahat sila ay nabayaran ngayong panahon ng ECQ.
3,616 sa mga benepisyaryo ay mula sa Aurora; 2,004 mula sa Bataan; 1,559 mula sa Pampanga; 959 mula sa Bulacan; 947 mula sa Tarlac; 839 mula sa Nueva Ecija; at 451 mula sa Zambales.
Ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay nagtrabaho ng apat na oras kada araw sa loob ng sampung araw kung saan pinasahuran sila ng minimum wage. Sa Gitnang Luzon, ito ay 4,200 piso o 420 piso kada araw.
Ibinigay ang kanilang sahod sa pamamagitan ng site/direct payment o money remittance center.
Inilahad ni Campita na ongoing pa ang TUPAD #BKBK at oras na makumpleto ang mga kinakailangang dokumento ay makakapagtrabaho na ang iba pang benepisyaryo at mababayaran matapos ang sampung araw.
Ang pamamahagi ng naturang financial assistance ay bahagi ng Social Amelioration Program o SAP ng pambansang pamahalaan alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.
Bukod sa DOLE, may ayuda din sa ilalim ng SAP ang ibang ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development at Department of Agriculture.