109 indibidwal, nagtapos ng rehab program sa Mega DATRC

FORT RAMON MAGSAYSAY, Nueva Ecija — May kabuuang 109 indibidwal ang nagtapos nitong Martes sa libreng medikasyon ng Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center o Mega DATRC. 

Ayon kay Hospital Chief Nelson Dancel, ang mga nagtapos ay kabilang sa ika-18 batch na sumailalim sa masusing proseso ng pagtanggap at pagbabago sa loob ng ilang buwang pananatili sa naturang pasilidad.

Iginawad ng Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center ang patotoo bilang pagtatapos at pagtatagumpay ng mga residente sa ilang buwang medikasyon sa pasilidad. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

Aniya, kinakailangang mapagtagumpayan ng mga residente ang apat na yugto ng pagbabago upang makatungtong ng after care program o pagbalik sa kani-kaniyang komunidad.

Paglilinaw ni Dancel, hindi lamang sa loob ng Mega DATRC nila ginagabayan ang mga naging residente dahil patuloy silang sisiyasatin sa pagbalik sa kanilang mga pamilya upang masegurong hindi na muling babalik sa maling bisyo. 

Dito ay katuwang nila ang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga social worker at mismong ang kanilang pamilya sa pagsisiyasat sa kalagayan ng mga lumabas na residente. 

Pahayag ni Dancel, mula sa unang batch ay may apat nang nag-relapse o bumalik sa bisyo kung kaya’t muli silang sumailalim sa programa. 

Aniya, sa loob ng anim na buwan ay kakayaning matapos ng mga residente ang rehabilitation program. Mayroon ding tumatagal ng higit sa isang taon depende sa estado ng bawat indibidwal kung sila ay papasa upang umusad sa programa. 

Matapos ang 18-buwang after care ay muli silang dadaan sa pagsusuri upang mapatunayan at makahiling ng petisyong magmumula sa korte na sila ay free of drugs.

Simula nang magbukas ang pasilidad ay umabot na sa 2,384 indibidwal ang napasok sa Mega DATRC na kung saan 1,596 rito ang nakatapos na sa programa. 

Lubos naman ang pasasalamat ng mga nagtapos dahil sa malasakit at gabay na sila’y maimulat sa mga nagawang pagkakamali at ngayon ay may pagkakataong makapagsimulang muli kasama ang mga mahal sa buhay.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews