111 Bulakenyo, natanggap agad sa TNK Fair  

Tiyak nang may mapapasukang trabaho ang may 111 na mga Bulakenyo na naging Hired On The Spot o HOTS sa ginanap na Trabaho, Negosyo, Kabuhayan Fiesta Caravan- Jobs and Business Fair sa lungsod ng Malolos.

Ayon kay Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office o PYSPESO Head Kenneth Ocampo-Lantin, sila ay inisyal pa lamang sa mga agad na nakinabang sa nasabing fair na idinaos kasabay ng Singkaban Festival 2022.

Umabot sa 8,385 na mga trabahong lokal at 600 na job orders sa ibang bansa ang bukas pa sa mga aplikante. 

Kabilang sa mga trabahong pwedeng aplayan ang nasa sektor ng Business Processing Outsourcing, logistics, financial intermediary, wholesale and retail, sales and marketing, construction, education, automotive, food at sa personal care.

Sinumang indibidwal na taga-Bulacan na nais mag-aplay sa mga nananatili pang bukas na inaalok na mga trabaho, ay uubrang sumadya sa PYSPESO na nasa Blas Ople Livelihood Center sa bakuran ng Kapitolyo sa lungsod ng Malolos.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Gobernador Daniel Fernando ang mga aplikanteng kabataan na bago pa lang na naghahanap ng trabaho, na mas maging bukas ang kaisipan o flexible na huwag lamang ituon ang sarili sa gustong trabaho.

Hinikayat niya ang mga ito na subukan ang mga trabahong may kinalaman sa agrikultura at hindi lamang ang mga trabahong nasa mga opisina.

Binigyang diin ng gobernador na kung mas maraming kabataan ang magkakaroon ng interes sa agrikultura, ito aniya ang magbubunsod upang sila’y maging mga agri-entrepreneur.

Ibinalita rin ni Fernando na muling magpapatuloy ang proyektong Bulacan Cyber Park and Central Business District Project. Ito ay itatayo sa 12 ektaryang lupa sa Malolos na ipinagkaloob ng pamahalaang nasyonal sa pamahalaang panlalawigan noong 2014.

May inisyal na 12 bilyong piso ang halaga ng pamumuhunan ng Robinson’s Land Corporation, na pinagkalooban ng pamahalaang panlalawigan ng konsesyon upang magtayo ng mga gusaling ipapaupa sa iba pang mamumuhunan.

Dito rin itatayo ang Night Market ng Kapitolyo na magsisilbing open shopping strip na bubuksan sa mga micro, small and medium enterprises.

Ang isinagawang Trabaho, Negosyo Kabuhayan Fiesta Caravan- Jobs and Business Fair ay bahagi ng muling pagpaparami ng mga trabaho mula nang tumama ang pandemya sa ilalim ng National Employment Recovery Strategy 2021-2022. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews