Umabot sa 11,437 pamilya na naapektuhan ng Super Typhoon Rolly ang agad na tumanggap ng ayuda o relief goods mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel Fernando sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Officice (PSWDO) sa isinagawang 2-day relief operation sa bayan ng Calumpit at San Miguel nitong Miyerkules at Huwebes.
Ayon kay PSWDO head Rowena Joson-Tiongson, ang mga tumanggap ng relief goods ay pawang mga pamilyang lumubog sa tubig baha hanggang ngayon ang kani-kanilang mga kabahayan dulot ng pananalasa ni Super Typhoon Rolly nitong nakaraang araw ng Linggo.
Kasama rin ni Fernando sa unang araw ng isinagawang relief distribution sa bayan ng Calumpit sina Vice Governor Wilhelmino Sy-Alvarado, Congressman Jonathan Sy-Alvarado ng Unang Distrito, Board Member Mina Fermin at Calumpit Mayor Jessie De Jesus. Kabilang dito ang mga Barangay ng Meysulao, San Miguel, Sapang Bayan at Pio Cruzcosa.
Pinagkalooban naman sa sumunod na araw ng nasabing ayuda ay ang mga biktima ng bagyo mula sa 18 barangay sa bayan ng San Miguel.
Ayon kay Fernando, ang mga ipinamigay food packs ay naglalaman ito ng bigas, mga delata, kape at energy drinks.
Bawat barangay sa mga bayang nabanggit ay isa-isang pinuntahan nina Fernando at mag-amang Alvarado upang personal na maihatid ang tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Hindi man direktang sinalanta ng Bagyong Rolly ang lalawigan ng Bulacan ay maraming kabahayan ang lumubog sa tubig baha mula sa Signal No. 3 kung saan tinatayang aabot sa 100-milyon ang mga nasirang pananim ng mga magsasaka.
Lubos ang pasasalamat ng gobernador sa mga sinagot na panalangin ng mga Bulakenyo sa Panginoon nang lumihis ang bagyo at hindi direktang nanalasa sa lalawigan ng Bulacan.