12 benepisyaryo ng BP2, nakauwi na sa Zambales

IBA, Zambales — Nakauwi na sa Zambales ang 12 benepisyaryo ng programang Balik Probinsya, Bagong Pag-Asa o BP2 ng pamahalaang nasyunal. 

Sila ay binubuo ng tatlong pamilya n amula sa mga bayan ng Botolan, Cabangan at San Antonio.

Ayon kay Regional Development Council BP2 Special Committee Lead Secretariat Divina Hope Vallejo, layunin ng programang ito na suportahan ang mga pamilyang informal settler at mga manggagawa na labis na naapektuhan ng pandemya na nais nang bumalik sa kani-kanilang mga probinsya para sa permanenteng relokasyon at paghahanap-buhay.

Bukod pa rito, nilalayon rin ng naturang programa na palawakin ang mga gawaing pang-ekonomiya ng mga rehiyon sa pamamagitan ng pagbubuo ng malalagong, magkakaugnay at matatag na komunidad sa labas ng Metro Manila at para hikayatin ang pangkalahatang pag-unlad sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba’t ibang serbisyong panlipunan at mga oportunidad para umunlad ang ekonomiya.

Dagdag pa ni Vallejo,  ito ay ipinatutupad para masiguro ang kaginhawaan ng mga probinsya at mapainam ang mga inisyatibo tungo sa pagkamit ng progresong komunidad.

Ang pagbabalik probinsya aniya ng mga benepisyaryo ay isang malaking milestone hindi lamang sa lalawigan ng Zambales kundi sa buong Gitnang Luzon.

Samantala, ibinahagi naman ng iba’t-ibang ahensya ang mga programang maaring mapakinabangan ng mga benepisyaryo gaya ng libreng skills training program ng Technical Education and Skills Development Authority at livelihood trainings na hatid ng Department of Agriculture.

Nakatanggap ang bawat pamilya ng dalawang sakong bigas, health kits at food packs mula sa pamahalaang panlalawigan ng Zambales. 

Ang BP2 ay bahagi ng estratehiya ng pamahalaang nasyunal upang magkaroon ng balanseng pag-unlad sa lahat ng rehiyon, masiguro ang kaginhawaan sa mga pook-rural, at mapainam ang mga inisyatibo tungo sa pagkamit sa matatatag at malalagong komunidad.  –Reia G. Pabelonia

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews