Walang naitalang kaso ng pagkamatay sanhi ng COVID-19 sa lalawigan ng Bulacan sa nagdaang tatlong linggo habang 128 naman na pasyente mula sa 270 tinamaan ng naturang virus ay nakarekober na at nakauwi ng kani-kanilang mga tahanan ayon sa Bulacan Provincial Health Office COVID-19 Surveillance Update nitong Lunes.
Ayon kay Governor Daniel Fernando, inaasahang mas madadagdagan pa ang bilang ng makakarekober na pasyente sa sandaling buksan na ang Molecular Laboratory sa lalawigan, na may dalawang PCR machine bukod pa sa Gene Xpert machine, 300 na mga sample ang maaaring masuri kada araw.
“Mas mapapabilis tayo ‘pag ganito. Tapusin natin ‘yung laban, targetin natin na ma-zero ang case dito sa Bulacan,” ani Fernando.
Inatasan din ng gobernador si Dr Joy Gomez ng Bulacan PHO na makipagpulong sa mga municipal health officer upang maipaalam na hindi na papayagan ang home quarantine para sa mga pasyenteng asymptomatic sa Bulacan.
“We need to finish this, hanggang maaari huwag nang magpa-home quarantine sa mga asymptomatic kung meron lang din tayong bakante, may pagkain naman dito, nakaalalay tayo sa mga kailangan nila, kasi may mga matitigas ang ulo, naka-home quarantine pero makikita mo nasa labas, kailangan mahigpit tayo, ‘pag ayaw ng pasyente, hindi pwede papasundo natin, ” ani Fernando.
Kapag naialis na sa mga district hospital ang mga pasyenteng may COVID-19, mas lalong mapagseserbisyuhan ang iba pang mga pasyente, dagdag pa ng gobernador.
Inanunsyo din ng punong lalawigan sa nasabing pulong na nagkaloob ang Regional Task Force on COVID-19 Central Luzon ng 2,000 sets ng personal protective equipment na may may kasamang sterile protective suit, medical overboot (shoe cover), KN95, medical gloves, surgical masks, protective gowns, head cover, face shields at aprons gayundin ang 3,000 Rapid Diagnostic Test (RDT) kits para sa Bulacan.
Samantala, nilinaw naman ni Gomez na sa 270 na mga positibong kaso, 33 dito ang mga health worker at 13 lamang sa mga ito ang nagtatrabaho sa lalawigan habang 20 ang nagtatrabaho sa mga ospital sa labas ng Bulacan at lahat umano sila ay gumaling na.
Ang isang naitalang kaso ng pagkamatay ay consultant sa isang pampublikong ospital sa lalawigan.
Bukod dito, nanawagan din ang mga pinuno ng ospital na itigil na ang diskriminasyon sa mga health care worker dahil ginagawa ng mga ito ang kanilang trabaho habang itinataya ang kanilang seguridad makapagserbisyo lamang sa publiko.