Dalawampu’t-dalawang barangay ang muli na namang iikutin ni Pandi Mayor Enrico Roque upang ihatid ang ika-12th wave ayuda distribution mula sa lokal na pamahalaan dito sa ilalim ng “Silya Mo Ilabas Mo, Heto Na Ulit Ayuda Mo” program na nasa ika-apat na araw na ng pamamahagi nang sinimulan nitong karaang Sabado.
Ayon kay Mayor Enrico Roque, ito na ang ika-12th wave ng ayuda distribution sa nasabing bayan nang magsimula ang global pandemic noong Marso 2020 dulot ng Coronavirus disease (Covid-19).
Nabatid na tanging ang bayan ng Pandi lamang ang nakagawa ng 12th-wave ng ayuda distribution sa buong rehiyon maging sa buong bansa at siyang nagsimula ng “Silya Mo Ilabas Mo, Heto Ayuda Mo” na kung saan ay sinundan at ginaya na rin ng iba pang mga local government unit sa buong bansa ang naturang estilo ng pamamahagi.
Sa unang araw ng pamamahagi ay 8,800 pamilya ang nakatanggap mula sa mga barangay ng Bagong Barrio, Masuso, Cupang and Bagbaguin kung saan nakatuwang ng alkalde ang kaniyang kapatid na Pilantropo at dating konsehal na si Ricky Roque, miyembro ng Sangguniang Bayan, Association of Barangay Captains (ABC), Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO), Philippine National Police (PNP) at sektor ng mother leader volunteers at Pinagkaisang Lakas ng Kababaihan (PILAK).
“Hanggat may pandemiya, may ayuda ang bawat pamilyang Pandienyo. Ito ay bilang sukli sa kanilang kooperasyon at pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan para labanan ang Covid-19,” ayon kay Roque.
Ang naturang 8-day food packs distribution ay naglalaman ng bigas, corned beef, coffee sachets, tuna, meatloaf, noodles and milk.
Napag-alaman na ang bayan ng Pandi ang tanging naguna sa dami ng ipinamahaging ayuda sa buong bansa gayundin sa pinakamataas na porsiyento ng nabakunahan at unang nakamit ang herd immunity.
Mababatid na isinailalim ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang National Capital Region at pito pang lalawigan kasama ang Bulacan sa less stringent Alert Level 2 simula February 1 until February 15, 2022.