131 PDLs sa Bataan District Jail, nagpositibo sa COVID-19

Mula sa 77 positive cases ay umakyat na sa 131 Persons Deprived of Liberty o PDLs ang nagpositibo sa COVID-19 sa loob ng Bataan District Jail.

Ayon kay Bataan Governor Albert Raymond Garcia, kaagad na umaksyon ang Provincial Health Office, Balanga City Health Office at Bureau of Jail Management and Penology o BJMP para tugunan ang nga pangangailangan ng mga PDLs sa naturang piitan.

“Nagsasagawa po sa kasalukuyan ang PHO ng malawakang swabbing simula pa noong Sábado, hindi lamang sa mga inmates, kung hindi pati na rin sa mga jail officers and staff, lalo na sa lahat ng mga nagpapakita ng sintomas ng Coronavirus,” pahayag ni Gov.Garcia.

Bukod sa 131PDLs ay nagpositibo rin ang 6 na BJMP jail guards 

Kasalukuyang din ang pagpapatupad ng lockdown sa BJMP at ang mga piling jail officers na sumailalim kamakailan sa training ng swabbing mula sa PHO ang siyang nagsasagawa ng testing at monitoring ng mga PDL hangga’t may peligro pang kumalat ang virus.

“Ayon kay PHO head Dr. Rosanna Buccahan, sa 234 na sumailalim sa swab test, may 131 PDL at 6 na jail officers na ang mga nagpositibo sa COVID-19 sa BJMP. Ipagpapatuloy po ang swabbing hanggang makasiguro tayong ganap na ang testing at ligtas na ang lahat ng 464 PDL at mga kawani ng district jail,” dagdag pa ni Garcia.

Sa ngayon, ayon pa sa Gobernador ay naka-isolate na ang mga nagpositibo at inilagak na sa mga itinakdang lugar sa loob ng compound ng BJMP sa Barangay Tenejero. Inihiwalay na rin ang lahat ng may comorbidity para sila aniya ay lalong mapangalagaan. Naka-quarantine na rin ang ibang walang sintomas na hindi pa sumasailalim sa testing.

“Ang lahat po ay sumasailalim sa round-the-clock monitoring ng ating mga jail officers sa ilalim ng pangangasiwa ng PHO at pakikipag-ugnayan sa CHO upang mabigyan ng karampatang lunas ang lahat ng maysakit. Ang punong-bayan ng Balanga City, si Mayor Francis Garcia ay may masusi rin pong nakikipag-ugnayan upang malunasan ang sitwasyon ng mga PDL.”, sabi pa ni Garcia.

Sinisiguro din ng provincial government na may sapat na supply ng face mask at face shield, disinfectant at pagkain ang mga PDLs sa BDJ habang ang lahat ng frontliners na nagsisilbi sa kanila ay may Personal Protective Equipments (PPE). 

“Gusto ko pong ipaabot sa mga kaanak ng ating mga kababayang PDL na ginagawa ng ating Pamahalaan ang lahat upang masiguro ang kapakanan ng ating mga kababayang PDL. Ipinakikiusap ko po na maging mahinahon sa panahong ito ng kagipitan habang tayo ay nasa gitna ng pandemya. ibayong pag-iingat ang aking habilin sa lahat dahil mahaba pa ang ating laban,” pagtitiyak ng Gobernador.

Sa kabuuan ay umabot na sa 548 active cases ang naitala ng Bataan PHO as of April 8, kung saan 117 na ang namatay, 4,708 ang kabuuang bilang ng nagpositibo at 4,043 ang bilang ng mga gumaling na.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews