145 4Ps beneficiaries sa Botolan naserbisyuhan ng TESDA 

BOTOLAN, Zambales (PIA) — May 145 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang naserbisyuhan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa isinagawang One-Stop Shop Service Caravan sa Botolan, Zambales.

Ang mga benepisyaryo ay nakapag-enroll sa mga kursong may kinalaman sa land transport at agrikultura.

Ayon kay TESDA Provincial Training Center-Iba Administrator Eugene Peñaranda, nagkaloob din ang ahensya ng mga starter toolkit sa may 73 katutubo na nagtapos ng programang Assembly of Solar Nightlight at Post Lamp. 

Nagsagawa rin ng job induction at financial literacy intervention ang Social Security System, Public Employment Service Office at Cebuana Lhuillier sa mga benepisyaryo.

Aniya, ang inisyatibong ito ay isang halimbawa kung paano ang pagtutulungan at pagsama-sama ng mga ahensya ng gobyerno ay maaring lumikha ng mga oportunidad at serbisyo sa mga benepisyaryo ng 4Ps.

Tiniyak din ni Peñaranda na mananatiling nakatuon ang TESDA Zambales sa pagpapaunlad sa mga komunidad at pagpapalakas sa mg benepisyaryo sa pamamagitan ng edukasyon, kasanayan, at mahahalagang serbisyo.

Pinangunahan ng DSWD ang isinagawang One-Stop Shop Service Caravan katuwang ang pamahalaang lokal ng Botolan at pribadong sektor.

Layunin ng aktibidad na mailapit sa mga benepisyaryo ng 4Ps ang mga serbisyong kanilang kailangan upang mapaunlad ang kanilang kasalukuyang estado ng pamumuhay gayun din ay maipabatid sa mga benepisaryo ang mga serbisyong ibinibigay ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at kung paano nila ito maaaring makuha. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews