Nailigtas ng mga tauhan ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Baliwag Police Station ang isang 15-anyos na dalagitang estudyante sa loob ng isang motel kung saan arestado naman ang apat na suspek sa Barangay Bagong Nayon, Poblacion, Baliwag, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Sa report na natanggap ni PCol. Chito Bersaluna, Bulacan Police provincial director, nakilala ang mga naarestong suspek na sina Crisffer Sto Tomas Cruz, 30, single; Crisel Cruz, 25, single kapwa residente ng 0388 P Damaso St., Barangy Concepcion, Baliwag; Ronaldo Carlos, 41, ng No 220 Plaridel St. at Fernando Sto. Tomas, 50, resident of Emil Subdivision, kapwa sa Barangay Subic, Baliwag, Bulacan.
Base sa panimulang imbestigasyon, ang biktima na itinago lamang sa pangalang “ELsa”, 15-anyos, estudyante ay ipinagkatiwala ng kaniyang nanay na isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa ibang bansa sa mga suspek na sina Crisffer at Crisel na kapwa pinsan ng ina ng biktima.
Nabatid na ang biktima ay biktima ng sex slavery ng kaniyang mga kamakag-anak kung saan siya ay regulr na ibinebenta sa mga parokyano na sina Ronaldo Carlos at Fernando Sto. Tomas upang pag-parausan. Ayon sa biktima, siya ay maka-ilang beses na umanoy dinadala sa ibat-ibang motel at ibinebenta sa ibat-ibang kostumer.
Sinabi ni Bersaluna na naaresto ang mga suspek sa ibat-ibang follow-up operation na isinagawa ng Baliwag Police WCPD operatives matapos mailigtas ang biktima sa loob ng Crystal Lodge sa Baliwag,
Bulacan.Nahaharap naman sa kasong Violation of RA 8353 (Rape), RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act) and RA 7610 (Child Abuse Law) ang apat na mga suspek na nakatakdang isampa sa Provincial Prosecutors Office sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.