Labinlimang barangay service vehicles ang ipinagkaloob sa 15 barangay sa Ikalawang Distrito ng Bataan, Hueves ng umaga.
Pinangunahan ang pormal na seremonya nila Bataan Governor Abet Garcia, Vice Governor Cris Garcia, Bataan 2nd District Joet Garcia, PPDO chief, Engr. Butch Baluyot at Pilar Mayor Charlie Pizarro kasama ang ilang punong barangay mula sa Balanga City, Pilar, Orion, Limay, Bagac at Mariveles.
Ang mga nakatanggap ng sasakyan ay ang mga barangay na nakapagsumite ng 10-year Barangay Master Development Plan.
“Malaki po ang maitutulong ng nasabing development plans sa paghahatid ng de-kalidad na serbisyong pangkaunlaran sa ating mga kababayan lalo na ngayong panahon ng pandemya,” pahayag ni Governor Garcia.
Ayon kay Congressman Garcia, makakatulong ang mga ipinasang 10-year barangay master development plan sa pagbalangkas ng municipal, city at provincial development plan, dahil mas alam aniya ng bawat barangay official ang pangangailangan ng kani-kanilaang barangay.
Iniulat din ni Rep. Garcia na mayorya sa 111 barangay ng Ikalawang Distrito ay nakapagsumite na ng kanilang 10-year barangay development master plan.| MHIKE CIGARAL