Matagumpay na nakabalik sa bansa ang 17 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Uzbekistan na humingi ng tulong kay Bataan 1st District Representative Geraldine B. Roman.
Ayon kay Congresswoman Roman sa kanyang naging ulat sa kanyang Facebook Fan Page, kasabay ring umuwi ng mga Pilipinong ito ang iba pang OFWs na katrabaho nila.
Dumating sila sa bansa, ayon kay Rep. Roman, nitong Agosto 22, 2020 lulan ng Philippine Airlines Flight No. PR 8689.
Karamihan sa mga umuwing OFWs ay mga nawalan ng trabaho at nalockdown sa ibang bansa bunsod ng Covid-19 pandemic na labis na nakaapekto sa ekonomiya ng buong mundo.
Nagpasalamat si Roman sa mga ahensyang tumulong para makauwi ang kanyang mga kababayan kagaya ng Embahada sa Tehran, tanggapan ng Undersecretary for Migrant Workers Affairs sa pangunguna ni Undersecretary Sarah Lou Arriola, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac.
Ayon sa tala ng Department of Foreign Affairs, karamihan sa mga repatriated Filipinos ay pawang mga seafarers na na-stranded sa iba’t ibang bansa dahil sa mga ipinatupad na lockdowns at travel restrictions.