171 kabataang Bulakenyo, lumahok sa Summer Sports Clinic 2022

LUNGSOD NG MALOLOS – May 171 kabataang Bulakenyo ang lumahok sa isinagawang Summer Sports Clinic 2022 Mass Graduation kamakailan sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito.

Ayon sa Provincial Youth, Sports, and Public Employment Service Office (PYSPESO), ginanap ang nasabing sports clinic sa Bulacan Sports Complex sa Brgy. Santa Isabel mula Mayo 16 hanggang Hunyo 10, 2022.

Anila, apat na mga aktibidad sa palakasan ang binuksan kabilang ang lawn tennis, badminton, basketball at swimming kung saan ang bilang ng mga nagparehistro ayon sa pagkakasunud-sunod ay 12, 18, 16 at 125.

Walang binayaran ang mga lumahok sa badminton habang nagbayad naman ng tig-P1,500 ang mga nag-enroll sa lawn tennis, basketball at swimming.

Tumanggap ng medalya, sertipiko ng pagtatapos at t-shirt ang lahat ng lumahok habang tumanggap naman ng sertipiko ng pagpapahalaga ang mga coach.

Binigyang diin naman ni Gob. Daniel R. Fernando ang kahalagahan ng pagsasagawa ng naturang mga isports hindi lamang sa pisikal na pangangatawan ngunit maging sa mental na kalusugan.

“Mahigit dalawang taon po tayong hindi nakalabas at nalimitahan kahit ang paglalaro ng iba’t ibang sports dahil sa pandemya at ngayon po ay nagkaroon tayo ng pagkakataon na muling magsagawa ng mga ganitong programa. Hangad po ng ating Pamahalaang Panlalawigan na maging aktibo ang ating mga kabataan sa palakasan upang makatulong hindi lamang sa pagkakaroon ng malusog na pangangatawan ngunit maging ng malusog na kaisipan,” ani Fernando.

Kasabay nito, kinilala at pinagkalooban din ni Fernando ng tig-P5,000 perang insentibo at plake ng pagkilala ang mga nagwagi sa 31st Southeast Asian Games na ginanap sa Hanoi, Vietnam kamakailan kabilang sina Bronze Medalist Jenaila Rose Prulla ng Lungsod ng San Jose Del Monte para sa Women’s Tennis Team Event; Silver at Bronze Medalist Christian Joseph Jasmin ng Bustos para sa Lightweight Men’s Double Sculls at Men’s Lightweight Quadruple Sculls (Rowing); nasa Top 10 naman si Mark Lowel Valderama ng Santa Maria para sa Cycling Event; Bronze Medalist Jorey Napoles ng Calumpit para sa 3×3 Men’s Basketball; Bronze Medalist Jaron Requinton ng Santa Maria para sa Men’s Beach Volleyball Team Event; Gold Medalist Afril Bernardino ng Calumpit para sa Women’s 5×5 Basketball; 6th placer Richard Salaño ng Marilao para sa Track and Field Marathon; Silver Medalist Jhonny Morte ng Bustos para sa Men’s 65 kg Freestyle Wrestling; Gold Medalist Christine Ray Natividad ng Pandi para sa League of Legends, Wild Rift Women’s Team; Bronze Medalist Mark Mabazza ng Lungsod ng San Jose Del Monte para sa Assistant Coach and Physiotherapist of 3×3 Men’s Basketball at Gold Medalist Rogen Ladon ng Marilao para sa Men’s Boxing Team.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews