179 katao, nagtapos ng rehabilitasyon sa Mega DATRC

FORT RAMON MAGSAYSAY, Nueva Ecija — May kabuuang 179 katao ang nagtapos ng ilang buwang rehabilitasyon sa Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center o Mega DATRC.

Inilahad ni Dr. Nelson Dancel, OIC-Medical Center Chief, na ito na ang ika-16 na batch na nagtapos at sumalilalim sa libreng medikasyon ng pasilidad.

Mula sa kabuuang bilang ay 177 ang mga lalaki at 2 ang mga kababaihan na sumailalim sa rehab program na binubuo ng iba’t ibang mga recoverieso sessions.

Paglilinaw ni Dancel, hindi lahat ng mga nalulong sa masamang bisyo ay tinatanggap sa Mega DATRC dahil kinakailangan ay physically at mentally fit ang mga ito upang sumailalim sa mga pagsasanay upang mabago ang sarili.

Hindi nila aniya tinatanggap ang mga may sakit o problema sa pag-iisip o anumang kaso ng sakit sa pangangatawan na maaring makahadlang sa kanilang rehabilitasyon sa loob ng pasilidad.

Umaabot sa average na walong buwan ang tinatagal ng rehabilitasyon sa Mega DATRC depende sa magiging resulta ng kanilang pagsusuri kung maaari nang sumailalim sa 18 buwang after-care o kanilang pagbalik sa dating komunidad.

Dagdag pa ni Dancel, hindi lamang natatapos ang programa ng pagbabago sa ilang buwang pananatili sa pasilidad dahil patuloy silang gagabayan sa paglabas sa komunidad, sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at kanilang mga pamilya.

Matapos ang 18 buwang after-care ay muli silang sasailalim sa mga pagsusuri upang tuluyang ideklarang free of drugs.

Ang sinomang mag-rerelapse o muling gumamit ng bawal na gamot ay pababalikin sa Mega DATRC upang sumailalim sa re-orientation ng ilang buwan.

Ang panawagan ni Dancel sa mga pamilya ng mga residente pati na sa mga lokal na pamahalaan ay suportahan ang programang rehabilitasyon ng pamahalaang nasyonal sa pamamagitan ng paggabay at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ng lugar upang wala nang bumalik sa masamang bisyo.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga residente ng Mega DATRC sa agapay ng gobyerno na pagbubukas at pangangasiwa ng libreng rehab center upang tutukan ang pagbabago ng mga nalulong sa masamang bisyo.

Pahayag ng isa sa 179 na nagtapos ay kanilang muling naranasan ang pagtanggap gaya ng isang tunay pamilya sa loob ng Mega DATRC na nagpapaalala sa kahalagahan ng buhay, pamilya, at relasyon sa Diyos.

Kaniyang payo sa mga kagayang nalulong sa masamang bisyo ay tumigil na sa paggamit habang may pagkakataon pa dahil hindi lamang sariling buhay ang sinisira nito kundi ang pamumuhay ng buong pamilya.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews