Kinilala ang 18 lokal na pamahalaan sa Nueva Ecija sa katatapos na 2022 Regional Anti-Drug Abuse Council o ADAC Performance Awards.
Kabilang sa mga nagwagi ang pamahalaang panlalawigan; mga pamahalaang lungsod ng San Jose at Muñoz; at mga pamahalaang bayan ng Bongabon, Cabiao, Cuyapo, Gabaldon, Guimba, Licab, Llanera, Peñaranda, Rizal, San Antonio, San Leonardo, Santa Rosa, Talavera, Talugtug at Zaragoza.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government o DILG Regional Director Anthony Nuyda, ito ay taunang programa upang bigyang pagkilala ang dedikasyon at ang mga isinusulong na inisyatibo ng mga lokal na pamahalaan sa pagsugpo ng ilegal na droga sa mga nasasakupang lugar.
Ang mga kinilalang lokal na pamahalaan sa buong rehiyon ay dumaan sa ebalwasyon at naabot ang mataas na functional rating mula sa ADAC performance audit ng DILG katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency at Dangerous Drugs Board.
Tinanggap ng bawat nagwaging lokal na pamahalaan ang symbolic marker at cash incentive na 100 libong piso.
Hangad ng DILG ang patuloy na pagsusulong ng mga programa kontra ilegal na droga tungo sa pagkakaroon ng mapayapa at drug-free na mga pamayanan.
Kaugnay nito ang inilunsad na BIDA Program o Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan na layuning maipaabot ang mga adbokasiya sa buong komunidad simula sa bawat pamilya, paaralan at iba pang sektor na bahagi ng lipunan. (CLJD/CCN-PIA 3)