Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na tumupok sa mga kabahayan kung saan 188 pamilya ang nawalan ng tirahan sa Sitio Bukid, Barangay Tabing Ilog, Marilao, Bulacan nitong Huwebes ng tanghali.
Base sa panimulang imbestigasyon, nagsimula ang sunog bandang alas-12:15 ng tanghali at idineklarang fire out bandang alas-3:00 ng hapon kung saan 23 fire trucks ang rumesponde sa naturang insidente.
Ang mga kabahayang nasunog ay gawa sa mga light materials kung kaya’t mabilis na kumalat ang apoy na umabot sa ikatlong alarma.
Ayon kay Mayor Ricky Silvestre, inilikas ang mga nasunugan sa Marilao Convention Center at binigyan ng pagkain. Wala naman iniulat na nasawi at nasugatan sa nasabing sunog habang patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon kung ano at saan nagmula ang apoy.
Samantala, bandang alas-6:00 ng gabi ay agad na tinungo ni Governor Daniel Fernando ang mga nasabing nasunugang pamilya sa evacuation center kasama ang Provincial Social Welfare Development Office at dinalhan ng ayuda ang mga biktima.
Ipinag-utos din ng gobernador ang agarang paglipat ng mga nasunugan sa Marilao Central School upang maiwasan ang physical contact dahil maliit lamang ang evacuation center kung saan unang dinala ang mga nasunugang pamilya.
Ayon kay Fernando, agad nagbigay ang provincial government ng isang kabang bigas sa bawat pamilyang nasunugan at P10,000 bawat pamilya para sa severely damage na bahay at P5,000 naman sa partially damage.
Habang nasa evacuation area ang mga biktima ay binigyan muna sila ng paunang P2,500 bilang panggastos.
Tumanggap din ang mga fire victims ng face mask, face shields at mga vitamins.