Camp General Alejo S Santos, City of Malolos, Bulacan — BINIGYAN parangal ng “Medalya ng Sugatang Magiting” at cash assistance nina Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Director PBGen Cesar Pasiwen at Bulacan Police Provincial Office (PPO) Provincial Director Col Relly Arnedo ang dalawang sugatang mga pulis sa naganap na engkuwentro nitong nakaraang Lunes matapos personal na dalawin ng dalawang opisyal ang mga ito habang naka-confine sa Bulacan Medical Center sa Malolos City.
Personal na dinalaw sa ospital ng dalawang matataas na opisyal sina PCpl Richard Neri, at Pat Aaron James Ibasco ng 3rd Maneuver Platoon, Bulacan’s 2nd Police Mobile Force Company kung saan sila ay kapwa pinarangalan at ginantipalaan.
Sina Neri at Ibasco ay binigyan ng parangal ni Pasiwen dahil sa kanilang ipinamalas na katapangan kung saan kapwa nasugatan at muntik nang magbuwis ng buhay habang nasa tawag ng tungkulin.
Si Neri ay nagtamo ng tama ng bala sa kaniyang kaliwang panga na tumagos sa batok habang si Ibasco naman ay tinamaan ng bala sa kaliwang beywang nang makipagpalitan ng putok sa mga notorious member ng Salvador Gang sa Barangay Maligaya, San Miguel, Bulacan bandang alas-2:30 ng madaling-araw noong Nobyembre 28, 2022. “Their valor in the line of duty was rewarded with financial assistance and the “Medalya ng Sugatang Magiting,” ayon kay Arnedo.
Pinapurihan din ni Pasiwen ang buong operating troops dahil sa matagumpay na operasyon kung saan pinaniniwalaang nabuwag na ang nasabing criminal group.
Tiniyak din ni Pasiwen na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa ano mang uri ng krimen sa Gitnang Luzon partikular na laban sa illegal drugs at mga loose firearms .
Nabatid sa nasabing operasyon ay dalawang remnant members “Salvador Crime Group” na responsable sa serye ng robbery holdup at illegal drug operations sa Central Luzon ang napatay na nakilalang sina Rommel Suarez at Elcid Pasecual, kapwa ng Nueva Ecija.
Apat pang mga kasamahan nito ang naaresto na sina Fernando Perez at Reynier Dela Cruz, kapwa residente ng Maligaya, San Miguel, Bulacan; Shierlyn Anne Pangilinan ng Gapan; at Rowena Daquiz ng Cabiao, Nueva Ecija.