200 Bulakenyo, ginunita ang pagtatanggol ni Goyo sa Pasong Tirad

LUNGSOD NG MALOLOS — Masigasig na umakyat ang humigit kumulang 200 Bulakenyo sa kabundukan ng Pasong Tirad upang gunitain ang Ika-120 Taon ng Pagtatanggol ni Heneral Gregorio Del Pilar.

Ito ang bato na pinagbagsakan ni Heneral Gregorio Del Pilar nang tamaan siya ng sniper ng pwersa ng mga Amerikano, habang ipinagtatanggol ang Pasong Tirad noong Disyembre 2, 1899. (Bulacan Salinlahi Inc.)

Ito rin ang Ika-20 Taon na idinadaos ng mga Bulakenyo ang panatang tinaguriang “Hero’s Trek” na taunang pag-akyat sa Pasong Tirad. May taas itong mahigit tatlong libong talampakan na matatagpuan sa bayan ng Gregorio Del Pilar, Ilocos Sur. Dati itong bayan ng Concepcion na ipinangalan sa karangalan ng batang heneral. 

Ayon kay Isagani Giron, pangunahing tagapagtaguyod ng Hero’s Trek at siyang Pangulo ng Bulacan Salinlahi Inc., hindi naging madali ang simulain ng nito dahil wala silang ideya kung nasaan talaga ang aktuwal na lugar ng Pasong Tirad.

Hanggang dumating ang taong 1999 nang kinonsepto ito ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan o SAMPAKA bilang paggunita sa noo’y Ika-100 Taon ng Pagtatanggol sa Pasong Tirad at kabayanihan ni Heneral Goyo. Ito ang nagbunsod upang matuntun ang kinaroroonan ng Pasong Tirad sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Sur. 

Sa unang pagpanik sa Pasong Tirad, nahanap ang bato na pinagbagsakan ni Heneral Goyo nang siya’y mabaril ng sniper ng sundalong Amerikano noong Disyembre 2, 1899. Naging batayan sa pagkukumpirma nito, na sinertipikahan ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP ang isinasaad sa diary ni Col. Vicente Enriquez na siyang aid-de-camp ng heneral noong panahong iyon.

Isinasaad na namatay si Heneral Goyo nang tamaan ng asintadong sniper ng pwersa ng mga Amerikano habang ipinagtatanggol ang Pasong Tirad. Base sa batayang pangkasaysayan ng NHCP, ipinagtatanggol ng batang heneral ang Pasong Tirad upang “iligaw” ang pwersang Amerikano upang hindi matuntun si noo’y Pangulong Emilio Aguinaldo na papunta na sa Isabela.

Binigyang diin pa ni Giron na hindi si Pangulong Aguinaldo bilang isang tao ang pinoproteksiyunan ni Heneral Goyo kundi ang Unang Republika na kanyang sinisimbulo at kinakatawan. 

Sa talumpati naman ni Ruel Paguiligan, tagapangulo ng Bulacan-Zambales Cluster ng NHCP, pinasalamatan niya ang Pamahalaang Bayan ng Gregorio Del Pilar sa Ilocos Sur sa patuloy na pagpapahalaga sa Bulakenyong bayani.

Pinapurihan din niya ang mga tagarito dahil sa pagpapanatiling maayos at sagrado ang monumento ni Heneral Goyo sa Pasong Tirad. Taong 2000 nang ipagawa at iluklok ng Pamahalaang Bayan ng Bulakan, Bulacan ang nasabing monumento at pormal na kinabitan ng commemorative marker ng NHCP. 

Taong 2013 naman nang ipagpatuloy ito ng Bulacan Salinlahi Inc. mula nang pasimulan ng SAMPAKA. 

Mula noon ay hindi napapatid ang mga suporta ng mga pamahalaang lokal sa Hero’s Trek partikular na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na nagkaloob ng ayudang 300 libog piso ngayong taon sa ilalim ng administrasyon ni Gobernador Daniel Fernando.

Tatlong araw ang durasyon ng Hero’s Trek mula madaling araw ng Disyembre 1 hanggang 3. Magsisimula ito sa patio ng simbahan ng Barasoain sa Malolos kung saan naitatag ang Unang Republika ng Pilipinas. 

Mayroon itong unang stop-over sa Bayambang, Pangasinan kung saan naging ikalimang kabisera ng Unang Republika nang tumatakas noon ang administrasyong Aguinaldo. Doon naman sinasagot ng Pamahalaang Bayan ng Bayambang ang almusal ng mga delegado ng Hero’s Trek. 

Nagbigay naman ng libreng pananghalian ang Pamahalaang Bayan ng Salcedo, Ilocos Sur kung saan naghimpil si Heneral Goyo patungong Pasong Tirad. Mula rito, iniwan na ng mga delegado ng Hero’s Trek ang sinakyan nila na bus at sumakay ng mga dyip. Tumawid ng may 17 mga ilog papaakyat sa bayan Gregorio Del Pilar. 

Sa mismong araw ng Disyembre 2, nagsisimula ng alas-4 ng madaling araw ang pag-akyat sa Pasong Tirad at nararating ang tuktok sa dakong alas-9 ng umaga. Doon idinadaos ang maringal na programang pang-alaala. 

Ang kabayanihan ni Heneral Goyo ay makikita sa matataas na pagpaparangal at pagkilala sa kanya. Kabilang dito ang Fort Gregorio Del Pilar kung nasaan ang Philippine Military Academy sa lungsod ng Baguio na pandayan ng mga gustong maging kawal Pilipino. Sa batang heneral din ipinangalan ang isang flagship ship ng Philippine Navy na Barko ng Republika ng Pilipinas Gregorio Del Pilar. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews