Nasa dalawang libong punla ng mga puno ng narra, kupang at bignay ang itinanim sa may apat na ektaryang bahagi ng Sierra Madre sa barangay Kabayunan sa Donya Remedios Trinidad, Bulacan.
Bahagi ito ng “Buhayin ang Pangangalaga sa Kalikasan” nationwide simultaneous tree planting activity ng Department of the Interior and Local Government o DILG, Department of Environment and Natural Resources o DENR, at Department of Agriculture sa pakikipagtulungan ng iba pang ahensya at mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay DILG Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia, layunin nito na maialay ang mga itinanim sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino upang matiyak na mayroon pang malalanghap na sariwang hangin at mapanatiling mayaman ang kalikasan.
Sinabi naman ni DENR Provincial Environment and Natural Resources Office Director Emilita Lingat na mainam na patuloy na nadadagdagan ang mga puno na naitatanim at napapalaki sa Sierra Madre mountain range upang maipreserba ang naturang kabundukan.
Ang Sierra Madre mountain range na dumadaan sa silangan ng Bulacan ay ang pinakamahabang bulubundukin sa Pilipinas na nagsisimula sa lalawigan ng Rizal hanggang sa Cagayan.
Ito ang nagsisilbing “higanteng pader” na salpukan ng mga bagyo na nabubuo mula sa karagatang Pasipiko, upang mapahina at hindi gaanong magdulot ng mas malaking pinsala.
Dito rin nagkakanlong mga dam ng Angat at Ipo sa Norzagaray na nagsusuplay ng tubig sa Metro Manila, Bulacan, Rizal at Cavite.
Ang naturang nationwide simultaneous tree planting activity ay kasabay ng pagdiriwang ng ika-65 kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (CLJD/SFV-PIA 3)