LUNGSOD NG PALAYAN — Tinukoy ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija ang mga bibigyang prayoridad na mga pagawain sa lalawigan para sa taong 2020.
Ayon kay Provincial Planning and Development Office Chief Engr. Dennis Agtay, kabilang rito ang mga pagsasaayos ng mga kalsada at tulay na nagdurugtong sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan.
Kasama sa mga nabanggit na proyekto ay ang pagsasaayos ng Nampicuan-Recuerdo-Sta Clara Provincial Road Phase 2 na nagdurugtong sa mga bayang Nampicuan at Cuyapo na kapakinabangan din para sa mga bumabyahe mula Anao hanggang munisipyo ng Guimba.
Nagkakahalaga ang proyekto ng 163 milyong piso kasama na ang paglalagay ng mga warning signs, hazard markers, directional signs at thermoplastic road markings.
Gagawin din ng kapitolyo sa halagang 72 milyong piso ang concreting sa dalawang kilometrong daan ng Barangay Sta. Cruz bukod pa ang pagbubukas ng panibagong daan na may parehong haba para sa mas madaling papasok at palabas ng barangay.
Sisimulan din sa susunod na taon ang road concreting mula Brgy. Nagmisahan, Cuyapo hanggang Brgy. Cabawangan, Nampicuan na alternatibong ruta para sa mga dumadaan sa Anao-Nampicuan-Cuyapo-Guimba route.
Gayundin ang paglalagay ng barrel box culvert sa Brgy. Sapsap, Sta. Rosa at pagsasaayos ng daan hanggang sa mga barangay Polilio, Palagay at Sto. Niño ng lungsod Cabanatuan na nagkakahalagang 43-milyong pisong pagawain.
Nakalinya din sa mga pagawain ng kapitolyo ang pagsasaayos ng walong kilometrong daan at tulay sa Cabiao-Concepcion Tarlac boundary na tinatantiyang aabot sa 572-milyong pisong proyekto.
Karugtong nito ay gagawin din ang Phase II ng Penaranda-Gapan-San Isidro-Cabiao by-pass roadna may 3.10 kilometrong haba sa halagang 160-milyong piso.
Nabanggit din ni Agtay ang pagpapagawa ng daan at tulay na nagdurugtong sa barangay Pambuan, Gapan City at Mambangan, San Leonardo bukod pa ang pagsaayos ng daan at tulay sa Cabu-Popolon-Communal sa lungsod Cabanatuan.
Maliban sa mga kalsada at tulay ay pinaglaanan din ng pamahalaang palalawigan ng 13.2 milyong piso ang pagsasaayos ng Nueva Ecija Convention Center at Sierra Madre Suites na parehong nasa lungsod ng Palayan at ang pagpapagawa ng drainage sa San Antonio District Hospital.
Ni Camille C. Nagaño