2,055 Dumagat, tumanggap ng food packs mula sa INC

LUNGSOD NG MALOLOS – Kabilang sa mga donasyon ng religous group na Iglesia ni Cristo (INC) nitong nakaraang buwan, may kabuuang 2,055 Dumagat ang tumanggap ng mga food pack sa pamamagitan ng programang “Kumustahan at Talakayan sa IPs sa Doña Remedios Trinidad sa Panahon ng Pandemya” na inorganisa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office. 

Nagsimula ang programa noong Huwebes sa mga bayan ng Doña Remedios Trinidad at Norzagaray kung saan may 1,752 na benepisyaryo ang natulungan habang may kabuuang 303 na benepisyaryo naman mula sa Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan sa ginanap na programa kahapon. 

Kamakailan, nagbigay ng 4,000 donasyong food packs ang INC na naglalaman ng mga naka-pack na bigas, mga de lata, at mga instant coffee kung saan mahigit sa kalahati nito ay ipinamahagi sa indigent population

Inihayag naman ni Josephine R. De Mesa, kapitana ng Brgy. San Lorenzo, Norzagaray, ang kanyang pasasalamat dahil laging kabilang ang kanilang barangay sa listahan ng mga benepisyaryo. 

“Kami po kasama ng aking mga ka-baranggay ay lubos pong nagpapasalamat sa walang sawang pagtulong po ninyo sa amin pagdating po sa mga ayuda; hindi niyo po nakakalimutan ang Brgy. San Lorenzo kaya maraming salamat po,” ani De Mesa. 

Samantala, inihalintulad naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang nasabing grupo bilang instrumento ng Panginoon sapagkat patuloy silang tumutulong at nagsasagawa ng mga mabubuting gawain lalo na sa panahon ng pandemya. 

“May mga ginagamit ang Panginoon na mga tao na ibaba sa atin ang mga biyaya; sa pagkakataong ito ay ang mga kapatid natin sa Iglesia ni Cristo. Lahat po ay kinikilala natin sapagkat ang kailangan natin ngayon ay pagtutulungan, pagmamahalan at pagkakaisa,” anang gobernador. 

Maliban sa pamamahagi ngrelief goods, patuloy din ang pagsasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng “Tulong Pang-Edukasyon para sa Bulakenyo” upang magbigay tulong sa mga Bulakenyong iskolar at patuloy na pagbabakuna para sa mga Bulakenyo upang labanan ang COVID-19 sa lalawigan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews