Kabilang ang mga natukoy na Micro, Small and Medium Enterprises o MSME sa bayan ng Guimba sa Nueva Ecija sa makatatanggap ng livelihood starter kit mula sa Department of Trade and Industry o DTI.
Ayon kay DTI Nueva Ecija Business Development Division Chief Maria Odessa Manzano, ang programang ito ay sakop ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa na ipinagkakaloob sa mga MSME na naapektuhan ang negosyo dahil sa pandemiya, sakuna o kalamidad.
Hangad na makatulong ang mga ipamamahaging livelihood starter kit o mga karagdagang produkto upang maibangon at maipagpatuloy ang pagnenegosyo ng mga MSME.
Pahayag ni Manzano, 155 benepisyaryo ang nakalinyang tatanggap ng livelihood starter kit mula sa bayan ng Guimba samantalang tig-30 naman sa mga bayan ng Cuyapo at Nampicuan sa darating na Hulyo 26.
Ang bawat isang benepisyaryo ay makatatanggap ng mga paninda o produktong nagkakahalaga ng 11,340 piso gaya ang pinili ng karamihan na bigasan at sari-sari store.
Katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa pagtukoy ng mga kwalipikadong benepisyaryo batay sa pagsunod sa mga panuntunan tulad sa pagpapasa ng mga kaukulang dokumento, pagtitiyak na mga totoong negosyante ang mapipili at hindi kamag-anak ng mga opisyal sa barangay at munisipyo.
Ayon pa kay Manzano, nakaalalay ang DTI sa mga MSME na tumatanggap ng livelihood starter kit partikular sa pangangasiwa ng negosyo upang malaman at mabigyang solusyon ang mga suliraning nakaaapekto sa paghahanapbuhay.
Nakabukas aniya ang linya ng komunikasyon ng DTI sa pamamagitan ng mga business counselors ng mga Negosyo Center upang agad na tumugon sa pangangailangan ng mga MSME.
Panawagan ni Manzano, gamitin ng wasto ang mga tatanggaping livelihood starter kit sa pagpapatatag ng negosyo at hanapbuhay na kalaunan ay hangad ding makatulong sa iba pang mga kapwa negosyante.
Batay sa talaan ng ahensiya ay nasa 1,275 livelihood starter kit ang target na maipamahagi sa iba’t ibang mga munisipyo at siyudad sa Nueva Ecija hanggang sa susunod na buwan ng Agosto. (CLJD/CCN-PIA 3)