May 23 residente mula sa barangay Guisguis sa Sta. Cruz, Zambales ang sumailalim sa Produce Organic Concoction and Extracts Training ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
Kabilang sa mga benepisyaryo ay mga magsasaka, mangingisda, walang trabaho o unemployed at mga out of school youth.
Ayon kay TESDA Provincial Training Center-Iba Head Christopher Domulot, ang naturang pagsasanay ay sa ilalim ng Special Training for Employment Program o STEP kung saan nakatanggap ang mga benepisyaryo ng starter toolkit.
Ang STEP aniya ay isang community-based specialty training program na tumutugon sa mga partikular na kasanayan na kinakailangan ng komunidad at nagtataguyod ng trabaho.
Layunin din ng programang ito na mabigyan ng pagsasanay ang mga benepisyaryo sa mga barangay at komunidad upang sila ay magkaroon ng trabaho at maging produktibo.
Samantala, matapos ang nasabing pagsasanay, magkakaloob ang TESDA sa mga benepisyaryo ng isang entrepreneurship program na magbibigay sa kanila ng kaalaman at kasanayan sa pagbuo at pagsisimula ng kanilang sariling negosyo. / Reia G. Pabelonia