24/7 suplay ng Bulk Water, tiniyak ngayong Luzon Quarantine

LUNGSOD NG MALOLOS — Hindi mapuputol ang suplay ng tubig na sineserbisyuhan ng sistemang Bulacan Bulk Water Supply Project o BBWSP.

Iyan ang tiniyak ni Jackie Bernardt R. Viernes, ang government relation officer ng konsesyonaryo nitong Luzon Clean Water Development Corporation. 

Mananatili aniyang 24 oras sa loob ng pitong araw sa isang linggo ang suplay ng tubig mula sa BBWSP. 

Pagtalima aniya ito sa direktiba ni Pangulong Duterte na dapat magpatuloy ang serbisyo ng mga public utilities habang umiiral ang Luzon Enhanced Community Quarantine upang masugpo ang sakit na coronavirus disease o COVID-19. 

Ibig sabihin, tuluy-tuloy ang suplay ng tubig mula sa Angat Dam papunta sa mga gripo sa mga bayan at lungsod na dinadaluyan ngayon ng Stage 1 ng BBWSP. 

Kabilang diyan ang lungsod ng San Jose Del Monte at mga bayan ng Santa Maria, Marilao, Meycauayan, Obando at Bocaue.

Ayon pa kay Viernes, ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System ay naglalaan ng 1.6 cubic meter per seconds na tubig para suplayan ang BBWSP mula sa Angat Dam. 

Katumbas ito ng 144 million liters per day o mld. Sa kasalukuyan, ang nagagamit para sa suplay ng BBWSP ay 125 mld mula sa 144 mld na alokasyon. 

Sa lungsod ng Malolos, na bahagi naman ng Stage 2 ng BBWSP, 60 porsyento nang suplay ng tubig dito ay nagmumula sa Angat Dam habang may natitira pang 40 porsyento mula sa deep well o sa ilalim ng lupa. 

Tiniyak din ni Kenneth Victoria, technical operations head ng Prime Water Infrastructure Corporation na siyang distributor utility ng Luzon Clean Water Development Corporation para sa BBWSP, umabot na sa Malolos ang malaking porsyento ng tubig mula sa Angat Dam dahil 13.8 kilometro sa kabuuang 15 kilometro ang nailalatag nang mga bagong tubo.

Ito ang nakakabit sa koneksyon ng generation utility na Luzon Clean Water Development Corporation sa distribution utility na Prime Water Infrastructure Corporation, upang makarating ang tubig mula sa Angat Dam patungo sa gripo ng karaniwang bahay sa Malolos. 

Ganito rin aniya ang sistema sa mga bayan ng San Rafael at San Ildefonso na naaabot na ng BBWSP habang ang iba pang mga bayan na hindi pa nalalatagan ng mga imprastraktura ay patuloy na sinusuplayan ng tubig mula sa ilalim ng lupa sa pamamagitan ng kani-kanilang mga local water districts. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews