2,500 kahon ng isdang tulingan, ipinamahagi sa Bataan

ORANI, Bataan — Nasa 2,500 kahon ng ‘frozen fish’ mula sa Office of Civil Defense o OCD ang ipinamahagi ngayong araw sa Bataan para sa mga mahihirap na pamilyang lubhang naapektuhan ng community quarantine. 

Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO head Josefina Timoteo, ang bawat kahon ay naglalaman ng 10 kilo ng isdang tulingan na nakalaan para sa mahigit 15,000 kabahayan base sa binigay na listahan ng Department of Social Welfare and Development Office. 

Ang nasabing ayuda ay agad na tinanggap kaninang umaga ng 11 na bayan at nag-iisang lungsod sa lalawigan para maipamahagi kaagad sa mga nakatalagang benepisyaryo sa kanilang lugar habang sariwa pa ang mga ito.

Kasama ng PDRRMO na nagsilbing saksi sa pamamahagi ng isda ang mga kinatawan ng Department of Agriculture, Philippine National Police, Philippine Information Agency, at Provincial Social Welfare and Development Office.

Kamakailan lamang, nasa 100,000 kahon ng ibat-ibang uri ng isda ang nauna nang ipinamahagi sa mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga, Tarlac at Nueva Ecija. 

Ani ni Timoteo, lubos ang pasasalamat ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan na pinamumunuan ni Gobernador Albert Raymond Garcia sa OCD, sa pangunguna ni Administrator Ricardo Jalad, sa patuloy na suporta na binibigay nito sa kanilang kampanya laban sa pagsugpo ng coronavirus disease.

Ani pa niya, nakatanggap kamakailan lang ang kanilang opisina ng libo-libong set ng personal protective equipment na agad namang ipinamahagi sa apat na ospital sa lalawigan.

Nasa 2,000 kumpletong sets naman ang inaasahan nilang matatanggap muli sa tanggapan na nakalaan naman para sa mga empleyado at tauhan ng mga pamahalaaang lokal na nagsisilbing frontliners. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews