250k food packs ipamimigay sa Bulacan

Tinatayang mayroong kabuuang 250,000 food packs ang matatanggap ng mga Bulakenyo mula sa Pamahalaang Panlalawigan, munisipalidad, lokal na barangay at Damayang Filipino Movement Foundation, Inc. bilang tulong sa mga miyembro ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) at iba pang mga nangangailangan na Bulakenyo.

Sisimulan ngayong Lunes ng  Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Gobernador Daniel Fernando ang pamimigay nito sa isasagawang relief operation kasama ang  Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, Provincial Social Welfare and Development Office at Damayang Filipino Movement Foundation, Inc.  upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga Bulakenyo.

Mamamahagi ng 120,000 food packs ang kapitolyo kabilang din ang 50 na sako ng bigas bawat bayan para sa 24 na lungsod at munisipalidad  at 5 sako naman ng bigas bawat isa para sa 569 Sangguniang Barangay at mga alcohol at face masks.

Ani Fernando, nagsusumikap ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang maibigay ang pangangailangan ng mga tao at pinasalamatan din nito ang mga taong nagbibigay ng donasyon sa Pamahalaang Panlalawigan upang makatulong sa ibang mga Bulakenyo.

Sa bayan ng Pandi, sinimulan na ni Mayor Rico Roque ang pamamahagi ng 36,000 food packs sa 22 barangay kung saan isinangtabi muna sa nasabing lugar ang usaping pulitika at ang mga hindi nito kaalyadong mga punong barangay ay nagbigay ng suporta at kooperasyon sa naturang relief operation.Ang paraan ng pag-aabot ng tulong ay pinaiiral pa rin ang social distancing kung saan hindi pinapayagan na mismo ang miyembro ng bawat pamilya ang lalapit o aabot ng food pack kundi iniiwan lamang sa harap ng bahay at kakatok sa pamamagitan ng microphone.

Nakahanda na rin ang pamahalaang lokal ng Bocaue sa pangunguna ni Mayor Joni Villanueva upang maihatid ang tulong para sa mga kababayan nito kasabay ng isinasagawang pagtutok sa kaligtasan ng komunidad.

Kaniya-kaniya rin ng pamamaraan ang mga chief executive sa bayan-bayan kung paano maihahatid ang tulong nang kaakibat ang mga hakbanging nakapaloob sa enhance community quarantine.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews