LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) — May kabuuang 26,749 rice farmers sa Gitnang Luzon ang tatanggap ng tig limang libong pisong ayuda mula sa Department of Agriculture o DA.
Ayon kay DA Regional Director Crispulo Bautista Jr, ang Financial Subsidy to Rice Farmers o FSRF ay para sa mga magsasakang may maliit na lupa o isang ektarya pababa sa mga probinsyang hindi sakop ng programang Rice Farmers Financial Assistance.
Ang pamamahagi ng naturang ayuda ay bahagi ng Social Amelioration Program o SAP ng pambansang pamahalaan alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.
Mga magsasaka sa apat na lalawigan sa rehiyon ang mabebenepisyuhan sa FSRF. Ito ang Aurora (3,436 magsasaka), Bulacan (9,107 magsasaka), Nueva Ecija (7,487 magsasaka) at Tarlac (6,719 magsasaka).
Bukod sa DA, may ayuda din sa ilalim ng SAP ang ibang ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development at Department of Labor and Employment.