28 Dating biyahe at 9 bagong ruta ng bus mula Bulacan, nagsimula na

Ipinatupad na sa Bulacan ang muling pagbabalik ng 28 mga orihinal na biyahe at siyam bagong ruta ng mga bus na nagmumula, dumadaan at papunta sa Bulacan.

Ito ay sa bisa ng Memorandum Circular 2022-067 at 2022-074 ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board o LTFRB na inilabas ni Atty. Robert D. Peig, executive director ng LTFRB at aprubado ng mga board members nito na sina Engr. Riza Marie Paches at Atty. Mercy Jane Paras-Leynes.

Pinakabago rito ang muling pagdaan sa rutang Tabang, Malolos, Calumpit sa Bulacan at Apalit sa Pampanga ng mga bus ng Victory Liner na biyaheng San Fernando sa Pampanga at Olongapo sa Zambales.

Ayon kay Mark Conrad Salvador, marketing assistant ng Victory Liner Inc., tig-10 biyahe ng kanilang mga bus ang nabigyan muli ng prangkisa ng LTFRB para bumiyahe patungo sa nasabing mga lungsod na papasok sa Tabang Exit ng North Luzon Expressway (NLEX) na dadaan sa Malolos at Calumpit.

Iba pa rito ang pagbuhay sa kada oras na biyahe nito patungong Divisoria na mula sa Apalit, Pampanga. Dumadaan ito sa ruta ng Tabang, Malolos at Calumpit mula alas-4 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Ang pauwing biyahe naman sa kaparehong ruta ay mula alas-6:30 ng umaga hanggang alas-7:30 ng hapon.

Balik na rin sa dating oras ang mga biyahe mula Apalit-San Marcos, Calumpit patungong Caloocan mula alas-4 ng hapon hanggang alas-7:30 ng gabi. Habang mula alas-5 ng umaga hanggang alas-9:30 ng gabi ang pauwing biyahe mula Caloocan patungong San Marcos, Calumpit at Apalit.

Sinabi naman ni Emmanuel San Mateo, officer-in-charge ng central operation ng Baliwag Transit, na nagbabalik na ang mga biyahe nila mula sa Hagonoy patungong Divisoria kada oras mula alas-4 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, at ang pauwi na mula Divisoria patungong Hagonoy na alas-7 ng umaga hanggang alas-6:30 ng gabi kada oras.

Gayundin ang mga biyahe kada-oras mula sa Baliwag patungong Divisoria mula alas-5 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon at pauwi na mula alas-8 ng umaga hanggang alas-6:30 ng gabi. 

Naibalik na rin ang orihinal na oras sa mga biyahe ng Baliwag Transit patungong Cubao. Para sa mga galing sa Baliwag ay may biyahe kada-oras mula alas-4 ng umaga hanggang alas-6:30 ng gabi habang alas-4:30 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi ang pauwi sa Baliwag mula Cubao.

Gayundin ang mula sa Hagonoy paluwas sa Cubao ay kada-oras din mula alas-4 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon at mula alas-6 ng umaga hanggang alas-8:30 ng gabi ang pauwi sa Hagonoy.

May bagong biyahe naman na galing sa Hagonoy patungo sa Grace Park na kada oras mula alas-5 ng umaga hanggang alas-7 ng umaga lamang. Sa hapon ay may tatlong biyahe rin na pauwi sa Hagonoy na alas-4:30 ng hapon hanggang alas-6:30 ng hapon lamang.

Habang ibinalik ang orihinal na oras ng mga biyaheng Grace Park na galing sa Baliwag mula alas-4:30 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi. Ang pauwi sa Baliwag na galing sa Grace Park ay mula alas-6:30 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi.

Para sa biyahe na mula sa Sibul sa bayan ng San Miguel na papuntang Cubao, mayroon itong biyahe na alas-4 ng umaga at alas-5 ng umaga lamang. Dalawang lang din ang biyahe na pauwi sa Sibul sa San Miguel mula sa Cubao na alas-3 ng hapon at alas-4 ng hapon.

Tig-dalawang biyahe rin ang mula sa Sibul sa San Miguel na papuntang Grace Park na alas-4 ng umaga at alas-6 ng hapon. Gayundin naman ang pauwi sa Sibul mula sa Grace Park na isang alas-4 ng hapon at isang alas-5 ng hapon.

Nagbukas naman ng tig- isang biyahe ang Baliwag Transit mula sa bayan ng Angat patungo sa Cubao na tuwing alas-5 ng umaga mula Lunes hanggang Biyernes. Isa rin ang biyahe mula sa Cubao papuntang Angat tuwing alas-5 ng hapon mula Lunes hanggang Sabado.

Kahalintulad din nito ang mga oras at mga biyahe ng sister-company nito na Golden Bee Transport and Logistics Corporation.

Dinagdagan din ng LTFRB ang biyahe na patungo at mula sa Hagonoy sa muling pagbiyahe ng First North Luzon Transit. Mayroon nang biyahe patungo sa Trinoma sa EDSA-North Avenue tuwing alas-4 ng umaga hanggang alas-6 ng umaga lamang.

Ang mga biyahe naman pauwi sa Hagonoy mula sa Trinoma ay tuwing alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi lamang.

Sa biyaheng Hagonoy mula sa Cubao, nagkaroon ng pag-adjust sa biyahe mula alas-6 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi na dati’y umaabot ng hating-gabi. Ang paluwas sa Cubao mula sa Hagonoy ay mula alas-4 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi lamang.

Iba pa rito ang pagbuhay sa mga biyahe mula sa Macabebe, Pampanga na dumadaan sa rutang Calumpit, Malolos at Tabang na papuntang Caloocan mula alas-3 ng umaga at alas-3 ng hapon. Ang pauwi na biyahe ay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.

Bumalik na rin ang biyahe ng German Espiritu Liner papunta at mula sa bayan ng Bulakan na dumadaan sa Bocaue at Balagtas. Ang mga biyahe mula sa Bulakan patungong Divisoria ay mula alas-4:30 ng umaga hanggang alas-7:30 ng gabi. Habang ang mga biyahe pauwi sa Bulakan ay hanggang alas-9:30 ng gabi.

Ang biyaheng Cubao na galing sa Bulakan ay mula naman alas-4 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi at alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi ang pauwi sa Bulacan mula Cubao.

Kaugnay nito, pinabiyahe na rin ng LTFRB ang nasa 1,556 pang mga bus units na bumibiyahe sa timog-silangang bahagi ng Bulacan.

Kabilang dito ang 20 units mula sa North Luzon Express Terminal o NLET na nasa Ciudad de Victoria Tourism Enterprise Zone sa Bocaue papuntang Paranaque Integrated Terminal Exchange o PITX.

Umabot naman sa 510 na units ang ibinigay na prangkisa sa rutang Sapang Palay patungo sa PITX na dadaan sa Quezon Avenue, 38 na sa rutang Angat-Divisoria, 163 sa rutang Angat-Monumento, 116 sa rutang Balagtas-Monumento na dadaan sa Manila North Road, 134 sa rutang Norzagaray FVR-Sta. Cruz na dadaan sa Marilao, 25 sa rutang Sapang Palay-Sta. Cruz na dadaan sa Malinta, 114 sa rutang Sapang Palay-Sta. Cruz na dadaan naman sa Santa Maria at 25 sa rutang Santa Maria-PITX.

Mayroon ding karagdagang mga bagong ruta ng bus ang binuksan ng LTFRB sa Bulacan gaya ng rutang Balagtas-Manila International Airport o MIA na dadaan sa Manila North Road na may 70 units, 105 sa rutang San Jose Del Monte-Starmall papuntang MIA na dadaan sa Quezon Avenue, 38 sa rutang Angat-Divisoria at 173 sa rutang San Jose Del Monte-Starmall patungong North EDSA.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews