299,668 doses ng bakuna kontra COVID-19 naiturok na sa mga Bulakenyo

LUNGSOD NG MALOLOS – Nakapagbigay na sa mga Bulakenyo ng 299,668 na doses ng COVID-19 vaccines mula sa kabuuang 367,428 doses na natanggap ng lalawigan ayon sa datos hanggang nitong Hunyo 28, 2021.

Sa kabuuang 367,428 doses, 95% o 235,668 ang nabakunahan na ng first dose habang 28% o 63,922 naman ang nabakunahan na ng 2nd dose o nakakumpleto na ng bakuna.

Gayudin, nakapagpamahagi na sa mga vaccination site sa buong lalawigan ng 98 na porsiyento o 361,884 na dosis ng bakuna.

Ipinaliwanag ni Gob. Daniel Fernando na agad na nagtatalaga ng lugar at iskedyul ng pagbabakuna sa oras na dumating ang mga bakuna sa lalawigan.

“Mula po March 8 kung kailan tayo nagsimulang magbakuna, sinisikap po ng ating Pamahalaang Panlalawigan na agarang magsagawa ng pagbabakuna sa oras na matanggap natin ang mga bakuna mula sa pamahalaang nasyunal. Mas mabilis tayong makapagbakuna, mas mabilis nating maa-achieve ang herd immunity. Totoo pong hindi ito mandatory ngunit magtulungan po tayong mahikayat ang ating pamilya at mga kasama sa ating komunidad na magpabakuna dahil ito po ang pinaka mabisang proteksyon laban sa COVID-19,” ani Fernando.

Samantala, sa ginanap na Virtual Media Conference kahapon sa pamamagitan ng Google Meet, ibinahagi ni Patricia Ann Alvaro, Health Education and Promotion Officer mula sa Provincial Health Office – Public Health, ang kasalukuyan kalagayan ng pagbabakuna sa Bulacan.

Aniya, dahil kabilang ang Bulacan sa “bubble”, mataas din ang target nitong mabakunahan at sa  nakalipas na 10 araw ay nasa 83,621 ang average na nababakunahan nito bawat araw. Gayunpaman, naka depende pa rin ang probinsiya sa suplay ng bakuna mula sa pamahalaang nasyunal.

“Sa ngayon nasa 767,351 na ang nagpaparehistro para magpabakuna na indikasyon na marami na ang nagtitiwala sa bakuna. Inaasahan natin na dadami pa ito sa mga darating na araw lalo na at tuluy-tuloy ang ating kampanya at pagbabahay-bahay,” ani Alvaro.

Samantala, ayon sa pinakahuling tala ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit nitong Biyernes (Hulyo 2, 2021), may kabuuang  40,702 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan 39,048 (93%) ang gumaling, 778 (5%) ang nasa isolation at minomonitor sa mga ospital, quarantine facilities, o kanilang mga bahay, habang 864 na ang bilang ng nasawi.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews