2nd COVID-19 case sa Bataan kinumpirma ng DOH

BALANGA CITY – Kinumpirma nitong Sabado ng Department of Health (DOH) ang pangalawang kaso ng COVID-19 positive sa Bataan.

Ayon kay Bataan Governor Abet Garcia, ang pasyente na tinatawag na PH303 M24, ay kasalukuyang ginagamot sa isang hospital sa Bataan.

“Sa gitna ng kaganapang ito, muli po akong nakikiusap na makiisa at makipagtulungan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntuning isinaad sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng Coronavirus sa bansa,” pakiusap ng Gobernador sa kanyang public advisory.

Sa ngayon ayon pa kay Garcia, ang Provincial Health Office (PHO) ay patuloy na nangangalap ng karagdagang impormasyon at nagsasagawa ng contact-tracing sa pangalawang kaso ng COVID-19 postive patient sa lalawigan.

Napag-alaman ng PHO na si PH303 M24 ay kasama diumano ni PH64 M32 sa dormitoryo sa Maynila at umuwi lamang sa Bataan nang makaramdam ng sintomas ng respiratory diseases.

Ayon sa huling health update, patuloy na bumubuti ang kalagayan ni PH64 M32, at maaaring sa lalong madaling panahon ay makarecover at tuluyan nang gumaling.

Sa kasalukuyan, may naitala nang 4,475 Patients Under Monitoring (PUM) at 231 na Patients Under Investigation (PUI) ayon sa Bataan ang Provincial Health Office.

Muling nanawagan ang Gobernador na manatiling mapagmatyag at mas makabubuting pag-ibayuhin aniya ang pag-iingat.

“Nakikiusap po ako sa ating mga kababayan, manatili tayo sa ating mga bahay at magpractice ng social distancing sa lahat ng oras. Ang pagdami ng positive cases ng COVID-19 ang iniiwasan natin dahil ayaw nating mas mahirapan ang ating mga health workers, mga doktor, narses at maging ang ating mga hospital kapag nagkataon,” sabi pa ni Gov. Garcia. (Mhike Cigaral)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews