Nagsimula na ang operasyon ng tatlong ruta ng Public Utility Vehicles o PUV na nagmumula ang biyahe sa lungsod ng Malolos, matapos isailalim sa PUV Modernization Program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Pinakabago rito ang kombersiyon ng isang ruta ng UV Express mula sa dating paggamit ng mga vans na kasya lamang ang 18 na katao, sa pagkakaroon ng mga coaster bus na may kapasidad na 26 katao.
Ayon kay Ronald Saraza, pangulo ng Saraza TRD Transport Services Corporation, may inisyal na 10 coaster bus units ang bumibiyahe na bahagi ng may 36 na kabuuang units.
Hinati ang nasabing mga units sa tatlong mga terminals na matatagpuan sa
Waltermart sa barangay Longos, Malolos Central Transport Terminal 1 na ipinatayo ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa barangay Bulihan at sa Malolos Central Transport Terminal 2 sa Robinson’s Place Malolos.
Sa nasabing mga terminals magmumula ang mga biyahe nito na patungo sa
Central Integrated Terminal o CIT sa TriNoMa Mall na nasa EDSA-North Avenue sa Quezon City.
Sinabi naman ni Malou Tolentino, administrative officer ng LTFRB-Region III, dalawang uri ang biyaheng Malolos-San Fernando na isinailalim sa PUV Modernization Program.
Ito ang Malolos-San Fernando na dadaan sa Mac Arthur Highway na babaybay sa Malolos at Calumpit sa Bulacan; sa Apalit, San Simon, Minalin, Santo Tomas at San Fernando-Bayan sa Pampanga. Mayroon itong inisyal na 10 units.
Habang ang isang ruta ng Malolos-San Fernando ay dadaan pa rin ng Mac Arthur Highway sa bahagi ng Malolos at Calumpit sa Bulacan, pero lalabas na sa San Simon Exit ng North Luzon Expressway o NLEX.
Mula roon ay derecho na ito sa SM City Pampanga sa bahagi ng Mexico at Robinson’s Starmills sa San Fernando sa Pampanga. Nasa 10 rin ang inisyal na units na pinasimulan na ang pagbiyahe.
Ang PUV Modernization Program ay pinasimulan ng nakalipas na administrasyong Duterte na ipinagpapatuloy ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr., alinsunod sa kanyang 8-Point Socio Economic Agenda kung saan kasama ang pagpapamura ng nagagastos sa transportasyon.
Sa programang ito, pinapalitan ng bago at mas malaking unit ng sasakyan ang isang lumang PUV na hindi Euro 4 Fuel compliant. Magkatulong na inaagapayan ng LTFRB at Cooperative Development Authority o CDA ang mga operators at drivers na makabuo ng kooperatiba na siyang bibili, magmamay-ari, mamamahala at mangangalaga sa mga bagong units.
Magiging kasapi ng binuong transport cooperative ang mga operators at drivers na dating may tig-iisang pag-aari na PUV. Kapag nabuo na ang nasabing kooperatiba, ito na ang unti-unting magbabayad ng amortisasyon sa Land Bank of the Philippines o sa Development Bank of the Philippines o DBP na nagpahiram upang mabili ang mga bagong PUV units.