LUNGSOD NG CABANATUAN — Nasa tatlong “Super Health Center” ang itatayo ng Department of Health o DOH sa Nueva Ecija.
Ayon kay DOH Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa, ito ay ilalagak sa mga bayan ng Rizal, Santo Domingo at San Leonardo.
Aniya, 10 milyong pisong pondo ang nakalaan sa pagpapatayo ng isang Super Health Center bukod pa ang ipagkakaloob na mga kagamitang nagkakahalaga ng 1.5 milyong piso.
Manggagaling naman sa mga lokal na pamahalaan ang lote o lugar na pagtatayuan ng pagamutan, pagtatalaga ng mga kawaning mangangasiwa sa operasyon ng pasilidad gayundin ang pagdaragdag ng iba pang kailangang kagamitan.
Ang itatayong Super Health Center ay mayroong surgical room, labor at birthing room, consultation at treatment room, dental, pharmacy, laboratory, ultrasound at x-ray room.
Ibinalita din ni Espinosa na kasama sa tututukan ng ahensiya ngayong taon ang pagsasaayos ng mga Rural Health Unit o RHU at Barangay Health Stations sa Cuyapo, Lupao, Pantabangan, Talugtug, Carranglan, Laur, at sa mga lungsod ng Cabanatuan, San Jose at Agham ng Muñoz.
Nakalinya ding ipamahagi ng DOH ang 12 ambulansiya para sa mga RHU, district hospital, at mga lokal na pamahalaan sa Nueva Ecija.
Pahayag pa ni Espinosa, nakahandang tumugon ang DOH sa mga pangangailangang serbisyo ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga pasilidad at kagamitan sa mga lokalidad gayundin sa tulong ng mga kawani, mga nars at mga doktor.