LUNGSOD NG MALOLOS — Dumating na sa kamalig ng National Food Authority o NFA sa lungsod ng Malolos ang inisyal na 3,000 kaban ng Bigas na inani at kiniskis sa Bulacan upang pansamantalang punan ang kawalan ng buffer stock ng ahensya.
Ayon kay NFA Provincial Manager Elvira Cruz-Obana, bahagi ito ng pagtugon ng Bulacan Rice Millers Association sa personal na pakiusap ni Pangulong Duterte nang makapulong sa Malacanang ang mga magbibigas na taga-Bulacan, Nueva Ecija at Isabela.
Doon niya pinakiusapan ang mga ito na tumulong sa pagtitinda ng murang komersyal na Bigas sa pamamagitan ng Tulong sa Bayan Caravan habang hindi pa nakakabili ng sariling Bigas ang NFA para sa buffer stock nito.
Sa ginanap na seremonya ng pagdating ng 11 trak, ipinaliwanag ni Cruz-Obana na makakatulong ito sa mga mamimili kung saan makakabili sila ng murang commercial rice sa halagang 39 piso kada kilo.
Paliwanag ni Golden City Vice President at Bulacan Rice Millers Association member Roderick Rico Sulit, may nakaabang pa silang 10,000 kaban na patuloy nilang isusuplay sa NFA at mga palengke hangga’t wala pang Bigas na pang-buffer stock ang ahensya.
Samantala, ibinalita rin ni Cruz-Obana na isinasagawa ngayon ang ikalawang pagsusubasta para sa may 250,000 metro toneladang Bigas na aangkatin ng NFA para sa buffer stock nito sa buong Pilipinas.
Kapag dumating na ito, ang bahaging mapupunta sa mga kamalig ng Bulacan ay dadating sa Port of Subic kung saan 25,000 metro tonelda ng angkat na Bigas ang ibabagsak.
Nagkakahalaga ito ng 650,216,250 piso na bahagi ng kabuuang 6.5 bilyong pisong halaga ng aangkating Bigas para sa buffer stock ng NFA sa buong bansa.