LUNGSOD NG MALOLOS – Dahil sa patuloy na pag-ulan na dala ng Hanging Amihan na naging dahilan ng pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam, may kabuuang 3,096 Bulakenyo ang inilikas sa mga itinalagang evacuation center at binigyan ng family food packs mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Nitong Huwebes at Biyernes ay napilitan magpakawala ng tubig ang Angat Dam, Ipo Dam at Bustos Dam sanhi ng dalawang araw na tuloy-tuloy na pag-ulan na naging sanhi ng pagbaha sa ilang mga bayan sa lalawigan.
Nitong Sabado ay personal na tinungo ni Gobernador Daniel Fernando ang mga naapektuhan ng baha at binigyan ng family food packs katuwang ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na pinamumunuan ni Rowena J. Tiongson.
Kabilang sa mga nakatanggap ng ayuda sa nasabing relief operations ay ang 1,190 apektadong pamilya mula sa 475 na pamilya sa Lungsod ng Baliwag; 470 mula sa Norzagaray; 114 mula sa San Rafael; 88 mula sa Angat; 38 mula sa Plaridel at limang pamilya mula sa Pulilan.
Personal ding binantayan ni Gob. Fernando ang mga dam at kalagayan ng pagbaha sa lalawigan sa Communication, Control and Command Center (C4) sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at nagbigay ng kanyang mga direktiba upang sigaruduhin ang kaligtasan ng mga Bulakenyo.
“Una sa lahat, siguraduhin natin na coordinated ang mga pamahalaang lokal sa mga inilalabas na anunsiyo ng PGB. Agad na ipaalam sa kanila ang mga detalye sa pagre-release ng tubig sa dam at siguraduhin na ang mga apektadong pamilya at komunidad ay nailikas na. Tinitiyak rin natin na mabibigyan ang bawat pamilyang apektado ng mga family food pack habang sila ay nananatili sa evacuation centers,” anang gobernador.
Mahigpit pa ring binabantayan ng PDRRMO ang kalagayan ng mga dam sa lalawigan.
Sa kasalukuyan, nasa 214.80 mts. na ang lebel ng tubig ng Angat Dam; 101.04 mts. sa Ipo Dam at 17.42 mts. sa Bustos Dam na siyang mas mataas sa karaniwang lebel ng tubig ng mga ito.