356 indibidwal sa Bongabon tumanggap na ng bakuna vs COVID

Umabot na sa 356 indibidwal ang tumanggap na ng bakunang AstraZeneca at Sinovac sa Bongabon, Nueva Ecija. 

Naging prayoridad sa bakunang galing sa pamahalaang nasyonal ang mga healthcare workers sa bayan.

Ayon kay Municipal Health Office o MHO Head Elizabeth Espiritu, isa si  Mayor Allan Xystus Gamilla sa mga nabakunahan na kontra COVID-19 gayundin si Vice Mayor Hernan Andres.

Kanyang paglilinaw na may pahintulot mula sa Department of Health o DOH ang pagbibigay ng bakuna sa dalawang tagapamuno ng bayan na parehong kwalipikado at pasok sa Priority Group A3 o yung mga mamamayang may comorbidity. 

Sa kasalukuyan aniya ay nagagayak na ang munisipyo para mabakunahan ang mga senior citizen na pinahihintulutan na ng DOH na mabigyan ng Sinovac.

Paglilinaw ni Espiritu, ang MHO ang namamahala sa iskedyul ng pagbabakuna upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao at mapanatili ang maayos na pagdaraos nito sa pamamamagitan ng pagsunod sa physical distancing at iba pang health protocol. 

Mahigpit din aniyang sinusunod ng pamahalaang bayan ang mga panuntunan ng DOH hinggil sa roll-out ng COVID-19 vaccination program. 

Kanya ding binanggit na sa kasalukuyan ay wala pang naiiulat na anumang adverse effect mula sa mga nabigyan ng bakuna kontra sa nakahahawang sakit.

Kaugnay nito ay ibinalita din ni Espiritu na mayroong apat na milyong pisong pondong inilaan ang pamahalaang bayan para sa bukod na COVID-19 vaccination program.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews