3,763 karagdagang tauhan, kailangan ng PSA Bulacan para sa Census

LUNGSOD NG MALOLOS — Nangangailangan ng 3,763 na mga karagdagang tauhan ang Philippine Statistics Authority o PSA Bulacan para sa nalalapit na pagsasagawa ng 2020 Census of Population and Housing.

Ayon kay PSA Bulacan Chief Statistical Specialist Emma A. Fabian, tatlong uri ng trabaho ang iniaalok ng ahensya gaya ng Census Area Supervisors at Headquarter Clerk na pawang mga contract of service worker positions 

Pwede nang magsumite ng aplikasyon mula Lunes hanggang Biyernes sa tanggapan ng PSA Bulacan sa Villa Reina Bldg sa Capitol View Road sa lungsod ng Malolos hanggang Hunyo 20, 2020. 

Sinumang aplikante ay dapat magsumite ng application letter na naglalaman ng pagnanais na makapag-apply sa nasabing mga posisyon, kanilang Personal Data Sheet na sang-ayon sa pamantayan ng Civil Service Commission Form 2012 at photocopy ng Transcript of Records na may kasamang Certification of Highest Year Completed. 

Para sa mga nais maging Census Area Supervisor, kinakailangang nagtapos sa kahit anong kurso sa kolehiyo at naninirahan sa mismong bayan o lungsod kung saan madedestino. 

Mas mainam din kung may karanasan at pagsasanay sa pagsasagawa ng mga survey, census o anumang gaya nito at may karanasan sa mga trabahong supervisory.

Dapat ding hindi lalagpas sa edad na 55 taong gulang sa panahon ng aplikasyon, maganda ang panulat-kamay, maganda ang kalusugan, pangangatawan at hindi buntis. 

Sa mga Enumerator ang gustong aplayan, pwede rito ang mga nagtapos sa kolehiyo ng apat na taon ang kurso at dalawang taon ang kurso basta hindi lalagpas ang edad sa 45 taong gulang sa panahon ng aplikasyon. 

Importante rin sa mga kwalipikasyon ang kakayahan na marunong makipag-usap sa iba’t ibang uri ng tao, lalung-lalo na ay sanay-sanay magsalita ng Tagalog kung dito sa Bulacan madedestino. Kinakailangang handa na madestino saan mang barangay, bayan o lungsod.

Para naman sa gustong maging Headquarter Clerk, bukod sa kailangang tapos sa anumang apat na taon o dalawang taon sa kolehiyo, pangunahin sa kwalipikasyon ang kakahayan sa computer at information technology. 

Binigyang diin ni Fabian na lahat ng mga aplikante sa nabanggit na mga posiyon ay dapat handang magtrabaho kahit sa mga araw ng Sabado, Linggo, mga pista opisyal at makapag-overtime kung kinakailangan. 

Hindi pwedeng mag-apply ang may umiiral na kontrata sa anumang ahensya ng pamahalaan o sa kahit na anong tanggapang pribado.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews