LUNGSOD NG MALOLOS — Humigit kumulang 38,125 mga Bulakenyong persons with disability o PWD ang target agapayan ng pamahalaang panlalawigan.
Sinabi ni Provincial Social Welfare and Development Office Head Rowena Tiongson na bukod sa regular na pamamahagi ng mga wheelchairs, tungkod at iba pang kagamitang kailangan, tinitiyak din ng pamahalaang panlalawigan ang mga programa para sa katiyakan sa suplay ng pagkain at mainam na nutrisyon ng mga Bulakenyong PWDs.
Layunin nito na maging tuluy-tuloy ang pag-agapay sa naturang mga kalalawigang may kapansanan kahit matapos ang paggunita sa National Disability Prevention and Rehabilitation Week.
Katunayan, nagkaloob ang Kapitolyo ng 141 na mga kaban ng Bigas sa may 15 samahan at mga institusyon na nangangalaga sa mga PWDs sa Bulacan.
Iba pa rito ang pamamahagi ng tig-iisang bag ng iba’t ibang binhi ng gulay upang maitanim sa bakuran ng mga institusyong may bahay ampunan para sa mga PWDs. Nagmula ito sa Department of Agriculture na ipinagkaloob sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office.
May 46 namang mga bagong wheelchairs naman ang ibinigay sa mga kaanak ng PWDs. Hindi na pinapunta nang personal ang mismong benepisyaryo dahil sa nararanasang pandemya sa COVID-19. Dalawa rito ay reclining wheelchairs at isang reclining commode wheelchair.
Kaugnay nito, nagpaabot ng payo si Gobernador Daniel Fernando sa mga Bulakenyong may kapansanan na huwag panghinaan ng loob ngayong may pandemya kundi ito’y labanan.
Binigyang diin niya na sa kabila ng pagkakaroon nila ng kapansanan, ang mag-aadya aniya sa kanila sa COVID-19 ay ang pagpapalakas ng resistensiya at pangangatawan.