LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Umabot na sa 3,830 ang mga micro, small and medium enterprise o MSMEs sa lalawigan na nakapasok sa iba’t ibang e-commerce platform, bukod sa tradisyunal na paraan ng pagtitinda.
Mas mataas ito sa 2,441 MSMEs na naitala nitong Hulyo 2022.
Tatlumpu’t isa sa kanila ang itinampok ng Department of Trade and Industry o DTI Bulacan sa ika-24 Likha ng Central Luzon Trade Fair na ginaganap sa SM Megamall.
Ayon kay DTI Bulacan Provincial Director Edna Dizon, nagiging mekanismo rin ang paggamit ng e-commerce platforms ng mga kalahok sa trade fair upang makipag-ugnayan sila sa mga malalaking mamimili gaya ng mga supermarket, department store, hardware, at supply chain firms.
Ani Dizon, inaasahan na magbibigay ito ng tuluy-tuloy na kita sa mga MSMEs bukod sa pagtitinda ng tingi o retail.
Bagama’t tatagal lamang hanggang Oktubre 30, 2022 ang Likha ng Central Luzon Trade Fair, 24 oras pa rin silang nakapagtitinda ng mga produktong ‘Tatak Bulakenyo’ dahil sa lumalakas na e-commerce platforms.
Kabilang sa mga ito ang Joyful Garden Farm Organic Farmers Association ng San Ildefonso na kinilala ng DTI bilang Top Seller MSME mula sa Bulacan mula taong 2019 hanggang 2021. Sila ay gumagawa ng mga produkto gamit ang mga organikong tanim tulad ng palay, gulay, at prutas.
Top Seller din noong taong 2021 ang Sta. Maria Dairy ng Catmon Multipurpose Cooperative mula sa bayan ng Santa Maria na gumagawa at nagsusuplay ng gatas, keso, at yogurt.
Samantala, special citation naman ang ipinagkaloob ng DTI sa Jedidiah Food Industry, na kilalang gumagawa ng turmeric tea, dahil sa pagtataguyod ng pangangalaga sa kalikasan at pagpapalago ng agrikultura habang nagbibigay ng kontribusyon sa pag-angat ng ekonomiya.
Kaugnay nito, sinabi ni DTI Central Luzon Regional Director Leonila Baluyut na ang patuloy na pagdagdag ng bilang ng mga MSMEs na napapasok sa online selling ay patunay na epektibo ang mga programa ng ahensiya partikular na sa market digitalization.
Bahagi ito ng tatlong prayoridad ng DTI upang ibangon ang mga MSMEs mula sa pandemya at higit na madala sa mas malalaking merkado kabilang ang Impact ID o Innovation and Digitalization, capacity building, at pagpapatupad ng Republic Act 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service.