Nasa 3,911 na mag-aaral sa Gitnang Luzon ang nakatanggap na ng educational assistance mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Ito ay sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS na tulong para sa mga tinatawag na “Students-in-Crisis” na maari nilang magamit sa kanilang mga pangangailangan sa pag-aaral tulad ng mga school fees, school supplies, projects, allowance, at iba pang mga bayarin.
Sa isang panayam sa PIA Leaders In Focus, ibinahagi ni DSWD OIC-Regional Director Venus Rebuldela ang mga kwalipikasyon at proseso ng aplikasyon para sa programa.
Maituturing na “Students-In-Crisis” ang mga bread winner, working student, ulila o inabandona na nakikitira sa kaanak, anak ng solo parent, walang trabaho ang mga magulang, biktima ng pang-aabuso, anak ng distressed Overseas Filipino Worker, biktima ng kalamidad o sakuna, at may magulang na may HIV o Human Immunodeficiency Virus.
Paglilinaw ni Rebuldela, hindi na maaring mabigyan ng Educational Assistance ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps dahil may tinatanggap na silang educational cash grants.
Samantala, ang mga iskolar mula sa mga state universities and colleges ay maari pa ring makatanggap ng Educational Assistance maliban sa mga nakatatanggap ng karagdagang allowance tulad ng pambili ng libro, uniporme, mga gamit sa eskwelahan at proyekto, at pamasahe.
Magkakaibang halaga ang tatanggapin ng mga mag-aaral depende sa kanilang antas.
Ang mga nasa elementarya ay 1,000 piso; 2,000 piso para sa junior high school; 3,000 piso naman para sa senior high school; at 4,000 piso sa mga nasa kolehiyo o mga nag-aaral sa vocational school.
Para sa mga interesado at kwalipikado, kinakailangang magsumite ng Certificate of Registration/Enrollment, Statement of Account o anumang dokumento na nagpapatunay na enrolled ang bata, at anumang valid ID na magpapatunay ng pagkakakilanlan ng estudyante o ng magulang/guardian na tatanggap ng educational assistance.
Hinihikayat silang bisitahin ang official Facebook page ng DSWD Field Office III (www.facebook.com/dswdfo3) para sa buong detalye ng proseso ng pagkuha ng Educational Assistance sa ilalim ng programang AICS sa Gitnang Luzon.
Pagbibigay diin Rebuldela, magsumite ng mga tunay na dokumento lamang dahil dadaan pa rin sa masusing proseso ang bawat dokumentong kanilang matatangap.
Sa pamamagitan ng mensahe o text message at tawag ipapaalam ng kagawaran kung pumasa sa programa ang mga nag aplay. Dito rin sasabihin ang iskedyul at pook kung saan gaganapin ang payout.
Paalala ng kagawaran sa mga benepisyaryo na pupunta sa payout sites, huwag kalimutang dalhin ang mga dokumentong nakalista sa mensaheng kanilang natanggap at magdala rin ng tubig at pagkain.
Kung maari huwag nang isama ang mga anak lalo ang mga maliliit pa upang maiwasan ang pagkukumpol kumpol at masunod ang minimum public health standards.