4 Barangay sa Mariveles nagkamit ng ‘Seal of Covid-Free Barangay’

Binigyang-parangal ni Bataan Governor Abet Garcia nitong nagdaang Huwebes, ika-24 ng Setyembre, ang mga frontline health workers sa apat na barangay sa Lower Mariveles.

Ito ay kaugnay ng kanilang hindi matatawarang pagiging masigasig na mapanatiling Zero-COVID at mapababa ng 20% o higit pa ang mga kaso sa kanilang lugar kaugnay ng inilunsad na programang 1Bataan Seal of COVID-Free Barangay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan.

Pinangunahan ni Gov. Garcia ang pagbibigay ng cash incentive na tig-P25,000 sa barangay Biaan na napanatiling Zero ang kanilang COVID situation simula sa Sept. 1-15 kumpara sa naunang 15 araw.

Samantala, ang mga barangay naman ng Balon Anito, Sisiman at San Carlos ay nabiyayaan din ng tig-P25,000 dahil napababa nila ng 20% at mahigit pa ang mga kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang nasasakupan sa pareho ring 15 araw.

Ayon pa kay Gov. Garcia, ang 1Bataan Seal of COVID-Free Barangay ay halaw sa pre-pandemic program na 1Bataan Seal of Healthy Barangay.

Ito aniya ay isinasagawa sa ngayon ng provincial government bilang pagkilala sa kabayanihan, kasipagan at sakripisyo ng mga bumubuo ng Barangay Health Emergency Teams (BHERTs), Rural Health Unit (RHU), at Local Contact-Tracing Teams (LCTTs) na siyang tunay na nagpupunyaging magpatupad ng mga alituntunin sa pamayanan upang ganap nating mapababa ang antas at bilang ng pagkakahawa-hawa sa barangay.

Ang proyektong ito, dagdag pa ni Governor Garcia, na pinamumunuan ng Provincial Health Office sa ilalim ni Dr. Rosanna Buccahan, ay tuluy-tuloy na gagawin hanggang maging zero na ang COVID cases sa lahat ng barangay sa lalawigan ng Bataan.

“Muli po ay ipinaabot ko ang aming pagbati sa mga frontliners ng mga barangay na pinamumunuan nina Kapitan George Legaspi ng Balon Anito, Kapitan Honesto Cabaniillas ng Sisiman, Kapitan Jester Ivan Ricafrente ng San Carlos at Kapitan Rodelio Gutierrez ng Biaan,” sabi pa ni Gob. Garcia.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews