ABUCAY, Bataan – Apat na karagdagang mga gusaling pampaaralan o school buildings ang sisimulang itayo sa magkakahiwalay na paaralan sa bayang ito.
Nitong Mierkoles ay pinangunahan ni 3rd-termer Provincial Board Member Dexter “Teri Onor” Dominguez ang magkakasunod na groundbreaking ceremonies sa Bonifacio Camacho National High School (12 classrooms, 2 palapag at 10 classrooms, 2 palapag); P. Rubiano Elementary School (4 classrooms, 2 palapag); at Kabukiran Elementary School (8 classrooms, 2 palapag).
Ang naturang mga proyekto ay pinondohan mula sa Educational Facilities Fund ng Kagawaran ng Edukasyon (Department of Education).
Naisakatuparan ang mga proyektong pang edukasyong ito sa pamamagitan ni Bokal Teri Onor sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan kagaya ng DepEd at DPWH.
Bukod sa bayan ng Abucay ay may mga kasunod pang kahalintulad ding proyekto si “Bokal Teri” sa iba pang bayan sa Unang Distrito ng Bataan kagaya ng Hermosa, Dinalupihan, Samal, Orani, at Morong.