4 na kursong pangsakahan, iniaalok ng TESDA gamit ang RCEF

BALIWAG, Bulacan (PIA) —  Apat na kursong pangsakahan ang iniaalok ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA sa may 35,000 mga magsasaka ng Palay sa Bulacan.

Sa ginanap na Ikatlong Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF Information Caravan, ibinalita ni TESDA Regional Training Center Supervisor Rheo Henry Rodriguez na layunin nitong gawing mai-professionalize ang pagsasaka.

Kabilang sa mga kurso ang Rice Machinery Operations NC II, Drying and Milling Plant Servicing NC III at Small Engine Servicing NC II na dapat kuhanin sa loob ng isang taon at ang Farm Field School ay idadaos sa dalawang anihan kada taon.

Ibig sabihin, kapag kumuha ang mga magsasaka at tinapos ang nasabing mga kurso, sila’y magkakaroon ng sertipiko ng NC o national competitiveness mula sa TESDA. 

Tumatanggap na ngayon ang TESDA ng mga aplikasyon para makapag-enrol upang makapagsimula na sa darating na Enero 2020. Kailangan lamang sumadya sa TESDA Regional Training Center sa Tabang sa Guiguinto, Bulacan.

Binigyang diin pa ni Rodriguez na walang gagastusin ang mga magsasaka sa pagkuha nitong NC courses dahil pawang magiging scholar sila ng TESDA gamit ang pondo mula sa RCEF.

Ayon naman sa paliwanag ni Mariel Bautista, isang agriculturist sa Agricultural Training Institute, may 700 milyong pisong inilaan para sa TESDA upang makapagsagawa ng mga agricultural extension training program.

Bahagi aniya ito ng 10 bilyong pisong nakokolekta mula sa taripa o buwis sa mga nag-aangkat ng Bigas. 

Ayon sa Republic Act 11203 o ang Rice Tariffication Law, binuksan ang bansa sa malayang kalakalan kung saan maari nang magluwas at mag-angkat ng Bigas ang mga mangangalakal at magsasaka. 

Ang mga taripa o buwis na ipinataw ay inilaan sa RCEF na siyang ipinang-aagapay sa mga magsasaka gaya ng pamamahagi ng makabagong makinaryang pangsaka, pamamahagi ng magandang kalidad ng binhi, murang pautang at agricultural extension training. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews