4 proyekto sa pagbangon ng turismo sa Bulacan, suportado ng DOT

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Aabot sa halagang halos P6 milyon ang itinulong ng Department of Tourism (DOT) at ang attached agency nito na Tourism Promotions Board (TPB), sa apat na pangunahing proyekto para sa pagbangon ng turismo sa Bulacan.

Ayon kay Dr. Eliseo Dela Cruz, pinuno ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office (PHACTO), may P4.7 milyon ang ipinagkaloob ng TPB para sa paglikha at paglulunsad ng isang Bulacan Tourism Official Promotional Videos and Posters.

Ipinaliwanag niya na higit pa ito sa pagkakaroon ng promotional videos o posters, kundi magbubukas ng maraming pagkakataon upang makalahok ang mga Bulakenyong singers and dancers, heritage workers, photographers and videographers, at iba’t iba pang nasa sektor ng turismo, sining at kultura.

Isa-isang ipinapaliwanag ni Dr. Eliseo Dela Cruz, pinuno ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office (PHACTO), ang mga proyekto para sa pagsisimulang makabangon ang industriya ng turismo sa Bulacan na pinondohan ng Department of Tourism (DOT) at ng attached agency nito na Tourism Promotions Board (TPB). (Shane F. Velasco)

May halaga namang P350 libo ang inilaan ng DOT para sa pananaliksik, pagbalangkas at paglilimbak ng Culinary Heritage of Bulacan. Isa itong coffee table book na maglalaman ng mga kasaysayan, detalye ng paghahanda o pagluluto at katangian ng mga natatanging itinatampok na potahe at kalutong Bulakenyo.

Nakatakdang ilunsad ang may 500 kopya ng Culinary Heritage of Bulacan coffee table sa Abril ngayong 2022 bilang pagdiriwang ng Buwan ng Kalutong Pilipino.

Ang buwan ng Abril ay idineklara bilang National Food Month o Buwan ng Kalutong Pilipino sang-ayon sa Proclamation 469 na inilabas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 2018.

Ipamamahagi ito sa mga culinary institutions, mga paaralan, kolehiyo at pamantasan, mga pampublikong aklatan at mga mga pamahalaang lokal sa Bulacan.

Magkakaroon din ng updated na cultural mapping sa Bulacan na gugugulan ng P482 libo na pinondohan ng DOT. Ayon kay Dela Cruz, pormal na matutukoy dito kung saan-saang lugar sa Bulacan matatagpuan ang mga natatanging sagisag ng sining at kultura.

Magbubunsod ito upang maging mas madali na mapondohan kung may pangangailangan sa preserbasyon, pagpapalaganap at promosyon.

Habang ginagawa ang mga official video promotions at posters, at ang pagsasagawa ng cultural mapping, sasabayan ng pagkakaroon ng mga pagsasanay para maiangat ang antas ng mga nagtataguyod ng turismo.

Partikular dito ang Festival Management Training na binigyan ng P329 libo ng DOT. Nasa 70 mga indibidwal na pawang mga nasa mga municipal city tourism offices at mga kolehiyo o pamantasan na may kursong turismo ang inaasahang lalahok dito.

Samantala, ipinahayag ni DOT- Central Luzon Regional Director Carolina Uy sa kanyang pagharap sa Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan para sa ratipikasyon ng ibinabang mga pondo, na handa ang DOT at mga kaugnay na ahensiya na patuloy na umagapay sa pagbangon ng turismo sa lalawigan.

Gayundin ang pagtiyak na makabalik sa trabaho at hanapbuhay ang mga namamasukan sa mga tourism-related establishments bilang bahagi ng National Employment Recovery Strategy (NERS) 2021-2022.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews