41 4Ps beneficiaries sa Baliwag, grumadweyt na sa programa

May 41 benepisyaryo ng Pantawid Pamilya o 4Ps sa bayan ng Baliwag ang grumadweyt na sa programa.

Sila ang kauna-unahang batch ng self-sufficient households na nagtapos sa buong Bulacan.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development Assistant Regional Director for Operations Venus Rebuldela, nakumpleto ng mga naturang benepisyaryo ang pitong taong durasyon ng programa, wala nang anak na may edad 18 pababa, ang huling anak ay nagtapos na ng high school, at ang pamilya ay hindi na ikinukunsiderang mahirap base sa huling pagtatasa gamit ang adopted standardized targeting system.

Dagdag pa ni Rebuldela na patunay ito na epektibo ang 4Ps at hindi nasayang ang tulong na inilaan ng gobyerno para sa kanila.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Mayor Ferdinand Estrella na patuloy pa ring aantabay at gagabay ang pamahalaang bayan sa mga naturang pamilya sa kanilang pangangailangan. 

Sinabi pa ni Estrella na kung sakaling kailanganin ng mga magulang ang pagpapa-aral sa kolehiyo para sa mga anak ay nakahanda ang Baliwag Polytechnic College at wala silang babayaran rito.

Samantala, nakatakdang magtapos sa mga darating na araw ang ilang benepisyaryo ng 4Ps mula sa mga bayan ng Plaridel at Guiguinto. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews