Nasa kabuuang 43 mga dating rebelde sa Nueva Ecija ang tumanggap ng tulong pinansiyal mula sa gobyerno.
Ito ay bahagi ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP ng Department of the Interior and Local Government o DILG sa pakikipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan.
Ayon kay DILG Regional Director Karl Caesar Rimando, sa pamamagitan nito ay nakitang mayroong pag-asa na magsama ang gobyerno at ang mga dating rebelde tungo sa hangaring maabot ang tunay na kapayapaan ng bansa.
Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng 15 hanggang 65 libong piso na magagamit sa patuloy na pagbabagong buhay at dagdag kabuhayan kasama ng pamilya.
Sa isang pahayag, sinabi ni Army 703rd Infantry Brigade Commander Brigadier General Joseph Norwin Pasamonte na sana ay ito na ang simula ng pagyakap at pakikiisa ng mga dating rebelde sa mga programa ng gobyerno nang sama-samang makita ang magandang kinabukasan ng bansang Pilipinas para sa mga susunod na henerasyon.
Nagagalak din ang buong hanay ng 84th Infantry Battalion sa pangunguna ni Lieutenant Colonel Enrico Gil Ileto sa kasalukuyang sitwasyon o pamumuhay ng mga dating rebelde na ngayon ay malaya at malayo sa pananakot, kasinungalingan at panlilinlang ng mga komunistang grupo.
Ito ay patunay lamang aniya na may magandang kinabukasan sa labas ng armadong pakikibaka kaya patuloy niyang hinihikayat ang mga natitirang miyembro ng mga Communist Terrorist Group na iwan na ang maling gawa, magbalik loob sa gobyerno, mag-avail ng E-CLIP at mamuhay ng payapa kasama ang pamilya. (CLJD/CCN-PIA 3)