46,043 bags ng binhi ng Palay ipinagkaloob ng PhilRice sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS — Umabot na sa 46,043 na bags ng mga binhi ng Palay ang naipamahagi para maipatanim sa target na 23,021 ektaryang lupang sakahan sa Bulacan.

Ayon kay Provincial Agriculturist Gloria Carillo, nagmula ito sa Philippine Rice Research Institute na pinondohan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF.

Ang kada isang ektarya ng lupang sakahan ng Palay ay dapat mapataniman ng dalawang bags ng binhi. Bawat isang bag ay may laman na 40 kilong binhi. 

May inisyal na 7,050 ektaryang lupang sakahan ang pinatataniman ng binhing Hybrid at 6,605 ektarya para naman sa mga binhing Inbred.

Ipinaliwanag ni Carillo na sinumang magsasaka ay maaring makakuha nang libreng mga binhi sa mga city o municipal agriculture offices basta’t sila rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture.

Dapat ding makapagpakita ang mga benepisyaryong magsasaka ng resibo na sila ay nakabili ng patabang urea. 

Binigyang diin din niya na malaya ang mga magsasaka kung saan nais bumili ng nasabing pataba. Ginawa aniyang isang rekisito ang pagbili ng patabang urea upang matiyak na itatanim at mapapayabong ang ibinigay na binhi. 

Base sa talaan ng Provincial Agriculture Office, nasa 45 na libong ektarya ang lupang sakahan ng Palay sa Bulacan. 

Nasa 33 libong ektarya ang pinapatubigan ng Angat at Bustos Dams at mga 15,500 na ektarya ang sahod-ulan. Karaniwang nakakapag-ani ng Palay ang isang magsasakang Bulakenyo ng dalawa hanggang tatlong beses kada taon. 

Ito na ang pangalawang proyekto na naibaba sa Bulacan na pinondohan ng RCEF. 

Una na riyan ang idinaos kamakailan na pamamahagi ng mga makinaryang pangsaka na pinangunahan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization. 

Ang pondo sa RCEF ay mula sa mga nakokolektang buwis o taripa sa mga naaangkat na Bigas ng bansa. 

Ayon sa Rice Tariffication Law o ang Republic Act 11203, pinapatawan ng taripa ang mga inaangkat na Bigas at ang nakokolekta ay inilalaan sa RCEF. 

Idinisenyo ang RCEF upang makatulong sa pagpapalakas ng ani ng lokal na Palay at matulungan ang mga magsasaka sa kanilang mga pangangailangan sa binhi, makinarya, kapital at ang pananaliksik at pag-aaral. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews