NAMANGHA si Bulacan Governor Daniel Fernando sa kaniyang natuklasan matapos personal na inspeksyunin nitong Martes ang halos limang ektaryang lupain na source ng high grade “escombro”, isang uri ng likas na yaman na nadiskubreng ilegal na hinuhukay sa isinagawang joint operation ng mga tauhan ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) at Criminal Investigation and Detection Group-Provincial Field Unit sa isang tagong farmland sa Sitio Alimasag, Barangay Camangyanan, Sta. Maria, Bulacan noong Setyembre 2, 2022.
Dismayado ang gobernador nang masaksihan nito ang higanteng hukay mula sa 2 butas na quarry operation na walang kaukulang permit sa pag-operate kung saan nasa 29,625 Cubic Meter ng escombro ang tinatayang nahukay na sa nasabing lupain.
Ayon kay Fernando, lima katao rin ang inaresto na pansamantalang hindi pinangalanan matapos maaktuhan ng mga operatiba sa pangunguna nin BENRO chief Atty. Julius Degala at Bulacan CIDG Provincial Officer PMaj. Banate Tabigo-on na naghuhukay.
Aniya, sikat na ginagamit ang escombro sa landscaping at ito ang siya ring ginagamit noong araw at hanggang sa ngayon sa mga simbahan at heritage houses replica.
Napag-alaman pa na ang nadiskubreng extracted mineral na mayroon lalim nang hukay na 30 talampakan ay kayang nang makabuo ng 4 na simbahan kada isang butas.
Nabatid na ang nasabing illegal quarrying operation ay wala umanong permit sa loob ng nakalipas na 30 taon, ayon sa BENRO.
“Inatasan na natin si Atty. Degala na magsagawa ng malalimang imbestigasyon at makipag-ugnayan sa mga barangay at municipal government kung bakit pinapayagan nila ang ganitong ilegal na operasyon. Wala tayong sisinuhin, ang mali ay mali,” wika ni Fernando.
Ayon kay Degala, ang limang arestado kabilang ang operator nito na isa umanong barangay kagawad ay sinampahan na ng kasong Mineral Theft under Section 103 of Republic Act 7942, Illegal Quarrying of Provincial Ordinance No. C-005 at violation of Executive Order No. 21 Series of 2022 (Stoppage of any type of extraction).
Paliwanag ni Degala, ang escombro ay buhat sa dumaloy at naipon na lava mula sa sumabog na bulkan noong unang panahon na kapag lumamig at a-compact ay magiging isang solid na bato.